Matapos magtago sa batas ng isang taon, naaresto na rin ng pulisya ang isang construction worker na humalay sa isang babaeng pipi, na kinalaunan ay nagluwal ng sanggol mula sa insidente.

Sinabi ni Supt. Ferdie del Rosario, deputy chief ng Caloocan City Police Station, na naaresto si Mark Angelo Siriban, 26, ng mga tauhan ng Police Community Precinct 1 sa kanyang hideout nitong Linggo ng hapon, sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng korte.

Ayon kay Del Rosario, si Siriban ay kabilang sa Top 20 Most Wanted sa Caloocan na responsable umano sa panggagahasa sa 24-anyos na biktima, na itinago sa pangalang “Baby,” noong 2015.

Lumitaw din sa police report na nagsilang ang biktima ng sanggol bunsod ng insidente.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nang makaharap ang suspek, sinabi ng ina ng biktima na determinado sila na ipursige ang kaso laban kay Siriban.

Ayon sa pulisya, nangyari ang panghahalay kay Baby noong Pebrero 15, 2015 nang lumiban sa kanyang klase ang biktima sa Deaf and Blind School sa Novaliches, Quezon City para makipagkita sa suspek sa Sangandaan, Caloocan.

Kinumbinsi umano ni Del Rosario si Baby na sumama sa kanyang bahay, at doon niya ginahasa ang biktima sa palikuran.

Dahil sa takot na mapagalitan, itinago ni Baby ang kanyang sinapit at nadiskubre na lang ito ng kanyang ina nang magbuntis siya. (Ed Mahilum)