NAKATAKDANG magpulong ang Korte Suprema sa full-court session sa Baguio City sa Abril 5. Tatalakayin ng mga mahistrado ang dalawang motion for reconsideration kaugnay ng desisyon nitong pahintulutan si Senator Grace Poe na kumandidato sa pagkapangulo sa eleksiyon sa Mayo 9.

Sa desisyon nito noong Marso 8, iginiit ng Korte Suprema na inabuso ng Commission on Elections (Comelec) ang kapangyarihan nitong idiskuwalipika si Poe bilang kandidato. Siyam na mahistrado ang bumoto pabor sa ruling, habang anim naman ang kumontra rito. Dahil dito, naisantabi ang pagdiskuwalipika ng Comelec sa senadora, at kandidato na ngayon si Senator Poe.

Sa motion for reconsideration nito, hiniling ng Comelec sa Korte Suprema na ilahad ang legal na batayan sa naging desisyon ng kataas-taasang hukuman na kuwalipikado si Senator Poe para kumandidatong presidente. Partikular nitong iginiit sa Korte Suprema kung (1) Si Senator Poe ba ay isang natural-born citizen, at (2) kung nanirahan siya sa Pilipinas 10 taon bago ang halalan sa Mayo 9. Ang dalawang ito ang mga requirement sa sinumang kandidato sa pagkapangulo ng Pilipinas, alinsunod sa Konstitusyon.

Kung walang kongkretong pasya sa dalawang usaping ito, sakaling manalo si Senator Poe ay maaari siyang kuwestiyunin sa Presidential Electoral Tribunal (PET)—na binubuo ng lahat ng mahistrado ng Korte Suprema—hindi dahil tutol ang mga nagpetisyon na ang senadora ang maluklok na pangulo, kundi upang matiyak na hindi nalalabag ang Konstitusyon.

Isang kaparehong motion for reconsideration ang inihain sa Korte Suprema ng apat na petitioner na orihinal na naghain ng diskuwalipikasyon sa Comelec—si dating Sen. Francisco Tatad, ang abogadong si Estrella Elamparo, si University of the East Law Dean Amado Valdez, at ang propesor ng De La Salle University na si Prof. Antonio Contreras.

Mayroong kasabihan na ang sinabi ng Korte Suprema ay ang batas. Nangangahulugan itong kapag nagpalabas na ang kataas-taasang hukuman ng pinal na desisyon ay awtomatikong natuldukan na ang usaping legal. Sa naging pasya nito noong Marso 8 na nagbasura sa pagdiskuwalipika ng Comelec kay Senator Poe, idineklara na ng Korte Suprema na kuwalipikado siya para kumandidatong pangulo.

Hinihiling ngayon ng Comelec at ng apat na pribadong petitioner na kumpletuhin ng korte ang litrato, ‘ika nga, upang matuldukan na ang anumang alinlangan, sa pagpapasya sa dalawang usapin ng natural-born citizenship at 10-taong residency ng senadora upang mawala na ang anumang pagdududa na nakakulapol sa kandidatura ni Senator Poe. Ang pinal na desisyong ito ang magsisilbing gabay ng mga susunod na lider-pulitiko at ng hudikatura na posibleng muling maharap sa kaparehong sitwasyon sa hinaharap.