Nagpakitang gilas ang mga miyembro ng Team Pilipinas Paralympics sa pamumuno ni swimmer Gary Bejino na pinakaunang nakapag-uwi ng dalawang gintong medalya sa ikalawang araw ng kompetisyon ng 2016 PSC-PhilSpada National Para Games, sa Marikina Sports Park sa Marikina City.
Pinamunuan ng 20-anyos at undergraduate sa NOH School for Crippled Children sa Banaue, Quezon City ang men’s 400m freestyle S7 sa tiyempong 6:40.43 bago idinagdag ang 50m butterfly S5 (41.06s) para tanghaling ‘double gold medalist’ sa torneo na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC).
“Medyo mabagal po ang time ko kasi wala po akong ensayo,” pahayag ni Bejino, pinakabata sa miyembro ng National Team.
“Noong August 13, 2015 lamang po ako nakasama sa PH team. Masayang-masaya po ako dahil kahit po mayroon akong kapansanan ay nakakasali ako sa mga tournament. Sana po ay lalo pa ninyo kaming tulugan,” aniya.
Nagwagi naman sa kanyang event ang 2016 Rio Paralympics bound na si Ernie Gawilan sa men’s 400m free (S8) sa tiyempong 4:56.16, habang dalawang ginto rin ang naiuwi ni Roland Sabido ng Region 8 na nagwagi sa 100m butterfly S9 (1:39.43) at 400m free S9 (5:38.66).
Bumida rin sa athletics ang isa sa limang kwalipikado sa Rio Paralympics na si Jerrold Pete Mangliwan sa men’s 400m run T53 (1:09.25), gayundin ang Singapore SEA Games gold medalist na si Prudencia Panaligan sa women’s 400m run T53/54 (1:19.92).
Hindi rin nagpaiwan sa men’s long jump F42/44 si Andy Avellana na iniuwi ang ginto sa nilundag na 3.69 metro, Jeanette Acebeda sa women’s discus throw F12 (1kg) sa inihagis na 16.33 metro, Marites Burce sa women’s discus throw F54/55 sa 9.90 metro at si Joel Balatucan sa men’s discus throw F55 (22.61 metro).
Samantala, ikinatuwa ng mga kalahok ang pagwawagi ng isang kapangalan ng popular na host sa Eat Bulaga sa Boccia – Singles na si Joey De Leon na mula sa Marikina. Iniuwi ni De Leon ang ginto matapos itala ang 10, 6 at 5 iskor para sa five game total nito na 21 puntos.
Ikalawa si Charito Mamapuz ng Marikina (10+5=15) at si Christopher Luminario ng Las Pinas para sa tanso (2=2).
(ANGIE OREDO)