Warriors, nakaumang para lagpasan ang All-time NBA win record ng Bulls.

OAKLAND, California (AP) — Limang panalo para mapantayan, anim para sa bagong kasaysayan.

Ang noo’y usap-usapan lamang na posibilidad ay unti-unti nang nahuhulma para maging katotohanan nang gapiin ng Golden State Warriors ang Washington Wizards, 102-94, nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

Naisalpak ni Stephen Curry ang anim na 3-pointer tungo sa pagsalansan ng 26 puntos at gabayan ang Warriors papalapit sa bagong all-time NBA win record.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Matapos ang magkasunod na larong may 40 puntosm tumipa ng 16 puntos si Klay Thompson para sa Golden State, tangan ang 67-7 marka, para manatiling nasa direksyon na pantayan hindi man malagpasan ang 72-10 record ng 1995-96 Chicago Bulls.

Sa huling walong laro, kailangan ng Warriors na maitala ang 6-2 marka para mailista ang bagong record sa NBA.

Hataw din si Draymond Green sa nakubrang 15 puntos, 16 rebound at siyam na assist para sa Warriors, nanatiling walang gurlis sa Oracle Arena sa naitalang 36 sunod na panalo ngayong season at ika-54 sunod sa regular-season.

ROCKETS 106, CAVALIERS 100

Sa Cleveland, sinamantala ng Houston Rockets, sa pangunguna ni James Harden na may 27 puntos, ang pagkakaroon ng day off ni LeBron James para makuha ang panalo at buhayin ang kampanya na makahabol sa Ikawaloat huling slot sa Western Conference playoff.

Sa kabila ng hindi paglalaro ng tinaguriang ‘The King’, lumaban ng husto ang Cavs. Umabante ang Rockets sa 95-94 mula sa free throw ni Dwight Howard may 2:13 sa laro, bago nahila sa 98-94 sa three-pointer ni Harden.

Naibabang muli ng Cleveland ang bentahe sa 97-98 mula sa ganting 3-pointer ni Kyrie Irving may 1:30 sa laro.

Pawang nagmintis ang magkabilang opensa bago naisalpak ni Trevor Ariza ang 3-pointer mula sa gilid ng basket para sa 101-97 bentahe may 17 segundo ang nalalabi.

Nanguna si Irving sa Cavs sa naiskor na 31 puntos.

BULLS 98, PACERS 96

Sa Indianapolis, sumabit na sa playoff ang Chicago, ngunit hindi ito dahilan para panghinaan ng loob ang Bulls.

Naisalpak ni Jimmy Butler ang game-winner may 3.7 segundo ang nalalabi para putulin ang four-game losing streak.

Kumubra si Nikola Mirotic ng 28 puntos para sa Chicago na bumagsak sa 37-37.

Nanguna si Paul George na may 20 puntos at siyam na rebound para sa Pacers.

PISTONS 88, THUNDER 82

Sa Auburn Hills, Michigan, ratsada si Marcus Morris sa natipang 24 na puntos para sandigan ang Detroit Pistons laban sa Oklahoma Thunder.

Hindi lumaro sina Kevin Durant at Serge Ibaka sa Thunder para maipahinga ang katawan tungo sa paghahanda sa nalalapit na playoff.

Naputol ng Pistons ang eight-game winning streak ng Thunder, habang pinatatag ang katayuan bilang No.7 sa Eastern Conference playoff.

Kumana si Russell Westbrook ng 24 puntos para sa Oklahoma City.

Sa iba pang laro, pinataob ng Charlotte Hornets ang Philadelphia, 100-85; habang winasak ng Orlando Magic ang Brooklyn Nets, 139-105.