IMG_1458867893461 copy

May mga naniniwala, mayroong hindi.

Tuwing sasapit ang Mahal na Araw, na paggunita sa pagpapahirap, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus, kanya-kanyang paraan ang mga Katoliko kung paano pagsisisihan ang kanilang mga kasalanan.

Bukod sa pag-aayuno, umiiwas ang mga Katoliko na gawin ang mga nakasanayan; pagkain ng karne, pagsusugal, paninigarilyo, pagnanakaw, paghithit ng droga, at kung anu-ano pa.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

At siyempre, parte na rin ng tradisyon ang pagbubuhat ng malalaki at mabibigat na krus, pagpepenitensiya, pagpapapako, pag-aalay-lakad patungo sa mga simbahan, at pabasa ng pasyon.

Isa si “Saul”, 32, ng Malinta, Valenzuela City, sa libu-libong Katolikong nagpepenitensiya taun-taon tuwing sasapit ang Mahal na Araw. Dalawang beses na rin umano siyang nagpapako sa krus, na tradisyong namana niya sa kanyang mga magulang.

“Naggaganito (nagpepenitensiya) rin kasi ang magulang ko noong bata pa ako, kaya (ganito) rin ako. Pampabawas kasi raw ng kasalanan… ang dami ko kasing kasalanan,” pag-amin ni Saul.

At nang tanungin kung may mga pagbabago ba sa kanyang sarili: “Ang hirap kasing matukso. Lumalapit kasi sa akin (ang tukso). Pinipilit ko namang magbago.”

Ang nakalulungkot, hindi lahat ay ginagawa ito bilang pagsisisisi sa kanilang mga pagkakamali. Ang ilan ay nakikiuso lang para magpabida o magpakitang-tao lamang. Marami ang nakikisawsaw at nagkukunwaring banal.

Kapag ganitong panahon, pansamantalang kinalilimutan ang alak, sugal, droga, kahalayan, at pagnanakaw, ngunit pagkatapos ng Mahal na Araw, balik din sa dating gawi. Natutuwa kaya ang Panginoong Diyos sa mga nakikita Niya sa ating puso? Hindi kaya nalilito na Siya at nananawa?

Anumang sakripisyo ang ating gagawin, mahalaga na ito ay ginagawa natin nang buong puso at maluwag sa ating kalooban. Hindi kinakailangang ipangalandakan pa na ika’y nahihirapan, nag-aayuno o nagsisisi. Hindi rin sukatan ang kung gaano kalaki at kalalim ang sugat, kung gaano kalakas ang hampas ng sinturon o kahoy, at kung gaano karaming dugo ang dumanak.

Magdasal, magsimba, at magnilay-nilay. At pagkatapos, sikaping maging mabuting tao sa buong taon.

(Ellaine Dorothy S. Cal)