ALBANY, N.Y. (AP) — Inalis na ang ‘banned’ sa mixed martial arts bilang sports na isinasagawa sa New York City.

Ngayong taon, makakapanood na ng live performance ang New Yorkers ng mga laro ng Ultimate Fighting Championship (UFC) at kahalintulad nitong promosyon matapos manalo sa dominanteng 113-25 boto mula sa New York Assembly ang lehislasyon ng naturang sports nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

Kabilang si Gov. Andrew Cuomo sa mga pulitiko na sumuporta sa lehislasyon ng sports na binubuo ng wrestling, kickboxing at judo. Nagsasagawa rin ng hiwalay na pagdinig hinggil dito ang state Senate.

Mula noong 1997, banned na ang MMA sa New York batay umano sa pagiging bayolente ng sports kung saan malaki ang tsansa ng mga atleta na magtamo ng ‘concussions’ at head injuries.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ayon din sa kritko ng MMA, nanghihikayat ito ng domestic violence, gayundin sa pagiging bayolente ng mga bata.

"This is barbaric and it should be banned," pahayag ni Assemblyman Charles Barron, isa sa mga umayaw sa MMA. "It goes too far for your entertainment."

Ngunit, para mas makasiguro ang kaligtasan ng mga atleta, kabilang sa provision na idinagdag ng assembly ang pagbibigay ng $50,000 hanggang $1 milyon insurance para sa life-threatening brain injuries.

Iginiit naman ng mga aktibistang pabor sa sports na pawang professional ang fighter na sumasalang sa MMA championship kung kaya’t makasisiguro ang kaligtasan ng mga atleta.

Ayon kay Assemblyman Joseph Morelle, isa sa kumatig sa lehislasyon, pangangasiwaan din ng bubuuing batas ang pagsasagawa ng regulasyon sa amateur class ng MMA.

"What we seek to do is essentially take the sport out of the shadows in New York," aniya.

Isa ang MMA sa kinagigiliwang sports sa buong mundo kung saan ang Ultimate Fighting Championship (UFC) ay nakapag-produced na nang mga world-class at mayayamang atleta sa nakalipas na mga taaon tulad nina Ronda Rousey at Conor McGregor na tumaggap ng $1 milyon sa kanyang huling laban kontra Nate Diaz.

"I do support mixed martial arts because it's also an economic generator," sambit ni Gov. Andrew Cuomo.

Batay sa regulasyon , kikita ang state ng tatlong porsiyento sa kabuuan ng kikitain ng promosyon, hiwalay pa ang $50,000 tax at ang 8.5 porsiyento sa ticket sales.