SA pangunguna ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa ritwal ng Washing of the Feet sa Manila Cathedral ngayong Huwebes Santo, kabilang sa 12 na huhugasan niya ng paa ang kabataan at kababaihan, silang mga naglingkod nang buong pagod, mga madre—at si Chairman Andres Bautista ng Commission on Elections (Comelec).
Ang Paghuhugas ng mga Paa ay isang sinaunang tradisyon na isinasagawa ng Simbahang Katoliko at ilan pang samahang Kristiyano. Nakasaad ito sa Bibliya. Isang araw bago Siya ipako sa krus, tinipon ni Hesus ang Kanyang mga disipulo para sa Huling Hapunan at, bilang pagpapakita ng kababaang-loob at malasakit sa kapwa, hinugasan niya ang kanilang mga paa at pinunasan ito ng tuwalya. Naging bahagi na ito ng misa para sa Huling Hapunan ng Panginoon.
Sa kanyang unang misa para sa Huwebes Santo noong 2013 matapos siyang mahalal bilang Santo Papa, sinuway ni Pope Francis ang ilang siglo nang tradisyon nang isama niya ang dalawang babaeng bilanggo sa 12 hinugasan niya ang mga paa. Pinagtibay niya ang isang dekrito para baguhin ang Roman Missal at simula noon ay hindi na lilimitahan ng mga pastor ng Simbahan sa kalalakihan lamang ang nasabing tradisyon, ngunit maaari rin “[to] choose from among all the members of the people of God.”
Para sa seremonya ngayon sa Manila Cathedral, sinabi ni Archbishop Tagle na nais niyang bigyang-pugay ang mga taong may kapansanan, ang kabataan, ang kababaihan, ang mga madre, at ang mga naglilingkod nang buong katapatan at walang pagod—kabilang dito ang kanyang sariling driver at kasambahay sa nakalipas na 30 taon. Sa pagsasama ng mga madre, nakiisa si Archbishop Tagle kay Pope Francis na sa unang bahagi ng buwang ito ay kinilala ang apat na Missionaries of Charity na kabilang sa 16 na pinaslang habang nag-aaruga sa 80 matatanda sa isang retirement home sa Yemen.
Tungkol kay Chairman Bautista, sinabi ng Archdiocese of Manila na layunin nitong bigyang-diin ang kahalagahan ng idaraos na eleksiyon. Sa mga lingkod-bayan, ang mga opisyal at kawani ng Commission on Elections na marahil ang pinakaabala sa bansa sa ngayon, naghahanda para sa pinakamahalagang bahagi ng sistemang demokratiko ng gobyerno.
Sa unang Washing of the Feet, sinabi ni Hesus na nagbibigay siya ng halimbawa ng paglilingkod at hiniling sa kanyang mga apostol na gawin din ito—“na dapat n’yong gawin kung ano ang ginawa ko sa inyo”. Sa paghuhugas ng paa ng mga madre, mga karaniwang manggagawa, at ng pinakamataas na election official sa bansa, bibigyang-pugay at pagkilala ni Tagle ngayong araw ang mga tapat na naglilingkod—mula sa pinakaabang araw-araw na pagsasaayos ng bahay hanggang sa may pinakamahalagang tungkulin at pagsisikap para tiyaking magiging malinis ang halalan sa ating bansa.