Sa isang media forum, walang kagatul-gatol na itinanong ng isang nakababatang reporter: Bakit ginagawang primadonna ng Commission on Elections (Comelec) ang mga PWD (person with disabilities) at senior citizens? Ang naturang pag-uusisa ay nakaukol sa opisyal ng naturang ahensiya at sa isang election lawyer.

Maliwanag na ang nabanggit na katanungan ay nakaangkla sa bagong aksiyon ng Comelec na nagpapahintulot sa paglalagay ng election precincts sa mga mall upang maginhawang makaboto ang mamamayang malalayo sa mga presinto, kabilang na nga ang PWDs at senior citizens.

Hindi miminsang hiniling ng ilang mambabatas at ng ilang lider-sibiko ang pagtatayo ng exclusive precincts para sa nabanggit na grupo ng mga dehadong mamamayan. Kailangang sila ay paglaanan ng priority lanes, hindi lamang kung eleksiyon, kundi sa lahat ng pagkakataon, lalo na sa malls at iba pang establisimiyento. Subalit ang ganitong mga kahilingan ay palagi namang ipinagkikibit-balikat ng ilang sektor, kabilang na nga ang naturang nakababatang reporter.

Ang mistulang pagsunod ng Comelec sa kapritso ng PWDs at senior citizens ay niliwanag ng nabanggit na election lawyer na nagkataong isa ring guest sa nasabing media forum na dinadaluhan ng ilang nakatatanda at may kapansanang mediamen. Wala ring kagatul-gatol niyang binanggit ang probisyon ng RA No. 10366 – An Act Authorizing the Commission on Elections to Establish Precincts Assigned to Accessible Polling Places Exclusively for Persons With Disabilities and Senior Citizens. Hindi na kinailangan ang ibayong pagpapaliwanag sa nabanggit na batas. Sapat nang maunawaan na ang PWDs at mga senior citizen ay dapat paglaanan ng priority lanes o polling precincts sapagkat ito ang iniaatas ng batas. Ito ay karapatan nila.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Naalala ko na ganito rin ang sistemang ipinaiiral ng National Press Club (NPC) sa taunang eleksiyon. Isang special voting place ang itinatayo sa ground floor ng gusali upang makaboto ang mga lifetime member na ang karamihan ay nahihirapan nang pumanhik sa NPC building. Tulad ng PWDs at senior citizens, dapat din nilang gampanan ang kanilang makabuluhang tungkulin upang pumili ng magiging lider ng kanilang organisasyon.

Hindi dapat mabahiran ng pangingimbulo o inggit ang pagbibigay ng kapritso o pagiging primadonna ng PWDs at senior citizens. Marapat silang pagmalasakitan.