Ipinag-utos ng Sandiganbayan First Division sa Bureau of Corrections (BuCor) ang paglilipat kay dating Camarines Norte Governor Casimiro “Roy” Padilla sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City mula sa kasalukuyang piitan nito sa Camarines Norte Provincial Jail, bunsod ng hindi pagsasauli ng isang baril na pag-aari ng gobyerno.
Naglabas ng commitment order ang First Division sa BuCor sa paglilipat sa nakatatandang kapatid ng action star na si Robin Padilla sa NBP, at doon ikukulong ng hanggang apat na taon at dalawang buwan.
“The above decision was appealed in the Supreme Court through a Petition docketed as G.R. 207621, which was denied in a Resolution dated September 2, 2013. That denial became final and executory on April 29, 2014,” saad sa direktiba ng korte.
Biyernes ng hapon nang arestuhin si Padilla sa kanyang bahay sa Barangay Pamorangon, Daet, Camarines Norte, at iprinisinta sa Sandiganbayan kahapon.
Matatandaan na naglabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan First Division laban kay Padilla matapos itong sentensiyahan noong 2012 sa kasong malversation of public property nang hindi nito isauli noong 1992 ang isang .45 caliber pistol na pag-aari ng gobyerno. (Jeffrey G. Damicog)