May payo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista at biyaherong magsisiuwi sa mga lalawigan ngayong Semana Santa: Umalis sa Metro Manila bago ang Huwebes Santo.
Ito ay dahil sa itinakdang road reblocking ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa dalawang bahagi ng EDSA na magsisimula ng 2:00 ng umaga sa Huwebes Santo, at tatagal hanggang sa tanghali ng Easter Sunday.
Isasara sa trapiko sa northbound ang pagitan ng Madison Street at Ortigas Avenue. Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa Pioneer patungong Shaw Boulevard upang makaiwas sa abala.
Sa southbound, magkukumpuni ang DPWH sa pagitan ng Ortigas flyover at Boni Avenue. Alternatibo para sa mga motorista ang Connecticut Street, San Juan-Santolan Road, at Mandaluyong Bridge.
Sinabi naman ni MMDA Chairman Emerson Carlos na exempted ang mga pampasaherong bus na biyaheng probinsiya sa number coding scheme sa Miyerkules, Marso 23, upang matiyak na makabibiyahe ang maraming magsisiuwi sa mga lalawigan.
Sa Marso 24-25 (Huwebes at Biyernes Santo) lang sususpendihin ang number coding scheme sa Metro Manila.
Ayon kay Carlos, asahan na ng mga motorista ang matinding trapiko sa mga kalsadang patungo sa North Luzon Expressway (NLEX), gaya ng Balintawak, A. Bonifacio, Mindanao Avenue at Visayas Avenue. Magsisikip din ang trapiko sa Magallanes, Quirino Avenue, at Osmeña Avenue na tumutumbok sa South Luzon Expressway (SLEX).
Dahil dito, magpapatupad ang MMDA ng “No Day-Off, No Absent” policy sa 3,073 tauhan nito hanggang sa Lunes, Marso 28.
(ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN)