Mason Plumlee, Danny Green

Home winning streak, nadugtungan; paninilat ng Blazers, naapula ng Spurs.

SAN ANTONIO (AP) — Wala nang dapat pang patunayan ang Spurs, ngunit sa bawat laban, sinisiguro nilang hindi sila mapapahiya sa sariling tahanan.

Kumana ng tig-22 puntos sina Kawhi Leonard at LaMarcus Aldridge para gabayan ang San Antonio Spurs sa 118-110 panalo kontra Portland Trail Blazers nitong Huwebes, (Biyernes sa Manila) at masiguro na makopo ang ikalawang pinakamatikas na home record sa kasaysayan ng liga ngayong season.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Nailista ng Spurs ang ika-34 na sunod na home-game win sa AT&T Center para lumapit sa record 37 na straight win ng Chicago Bulls noong 1995-96 season kung saan nailimbag nila ang makasaysayang 72-10 marka. Nalagpasan ng Spurs ang 33 sunod na panalo ng Orlando Magic na naitala rin noong 1995-96 season.

Dominante ang Spurs sa third quarter, sapat para ipahinga na lamang ni coach Greg Povovich ang kanyang starters para makapaghanda nang husto sa pinakahihintay na duwelo laban sa Golden State Warriors sa Sabado (Linggo sa Manila).

Hawak ng defending champion Warriors ang pinakamatikas na karta ngayong season sa 61-6, tampok ang 32-0 sa Oracle Center at kabuuang 50 sunod na panalo sa regular season kadugtong ang nakalipas na season.

Kapwa nasiguro ng San Antonio at Golden State ang playoff berth, gayundin ang division title at nasa tamang landas para makamit ang kasaysayan sa liga na may pinakamatikas na marka sa isang season.

Hataw din si Tony Parker sa 18 puntos at season-high 16 assist.

Nanguna sa Portland si C.J. McCollum na kumubra ng 26 na puntos, habang kumana si Damian Lillard ng 23 puntos.

WIZARDS 99, SIXERS 94

Sa Philadelphia, nailista ni John Wall ang ikaapat na triple-double – 16 na puntos, 14 na assist at 13 rebound – ngayong season para sandigan ang panalo ng Washington Wizards sa 76ers.

Bunsod ng panalo, nabigyang-buhay ni Wizards ang sisinghap-singhap na kampanya para sa No.8 spot sa Estern Conference playoff na pinag-aagawan nila ng Sixers.

HORNETS 109, HEAT 106

Sa Miami, ginapi ng streaking Charlotte Hornets ang Heat para patatagin ang kampanya para sa No.3 spot sa Eastern Conference playoff.

Ratsada sina Al Jefferson at Kemba Walker sa tig-21 puntos, sa ika-15 panalo ng Hornets sa huling 18 laro at hilahin ang marka sa 39-29 parehas ng Miami at Boston.