BAGUIO CITY – Naglaan ang Guardians Reform Advocacy for Cooperation and Economic Prosperity, Inc. (GRACE-Guardian) ng P1 milyon pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para sa ikaaaresto at ikareresolba ng pagpatay sa isang negosyanteng Filipino-Chinese noong Disyembre 1, 2015.
Sinabi ni GRACE-Guardian National Chairman, PNP Directorate for Intelligence and Police Operations (DIPO)-Eastern Mindanao chief Director Isagani Nerez, na ang pera ay pinagsama-samang donasyon ng 40,000 kasapi at tagasuporta ng grupo upang agad na maresolba ang kaso.
Ayon kay Nerez, dating hepe ng Baguio City Police Office at director ng Police Regional Office (PRO)-Cordillera, tatlong buwan na ang nakalilipas ngunit hanggang ngayon ay hindi pa natutukoy ng pulisya kung sino ang pumatay kay Henry Lao, 68 anyos.
May-ari ng Tionzan Bazaar, Enrico Hotel at isang trucking service, umaga ng Disyembre 1 nang matagpuan ang bangkay ni Lao sa kanyang bahay sa Barangay Ferdinand na may 34 na saksak. (Rizaldy Comanda)