IBINASURA ng Korte Suprema ang disqualification case (DQ) ni Sen. Grace Poe sa botong 9-6. Mga mahistradong hinirang ng Pangulo ang karamihan sa pumanig sa senadora. Kasama sila sa siyam na nagsabing kuwalipikadong tumakbo ang senadora sa panguluhan at binalewala ang dalawang desisyon ng Comelec na nagdi-disqualify sa kanya. Ayon kasi sa Comelec, hindi siya maaaring tumakbo dahil hindi siya natural born citizen at kulang sa 10 taon ang kanyang residency bago maghalalan.
Ayon sa senadora, tagumpay ito ng mga foundling o pulot. Kaya nagkaproblema ang senadora ay dahil iniwan na lang siya basta sa isang simbahan sa Jaro, Iloilo na hindi alam kung sino ang kanyang mga magulang. Kaya, walang pagkakakilanlan kung Pilipino o banyaga ang kanyang mga magulang. Walang pagbabatayan ang kanyang citizenship dahil ang Saligang Batas din mismo ang nagsasabi na Pilipino ang bata kapag ang kanyang mga magulang ay Pilipino. Kahit na ganito ang kalagayan ng senadora, itinuring ng siyam na mahistrado, apat sa mga ito ay hinirang ng Pangulo, na siya ay natural born Filipino citizen.
Dalawa sa apat na mahistradong ito ay sina Associate Justices Jardeleza at Caquioa. Kung paano sila bumoto, makikita mo kung saan panig ang naghirang sa kanila sa DQ na ito ni Sen. Poe. Kasi si Jardeleza, bago naging kandidato sa pagkamahistrado ay hinirang muna ng Pangulo bilang Solicitor General. Hindi pa siya nagtatagal sa puwesto, nagretiro si Justice Abad at siya ang ipinalit ng Pangulo rito. Sa paghirang ng mahistrado, mamimili ang Pangulo sa limang pangalan na nasa Short List na isinusumite sa kanya ng Judicial Bar Council (JBC). Sa kaso ni Jardeleza, sa unang Short List na ibinigay ng JBC sa Pangulo ay wala ang kanyang pangalan. Kaya, ipinabalik ng Pangulo ang Short List para isama ang pangalan ni Jardeleza. Nang ibalik ang Short List sa Pangulo, naroon na si Jardeleza kaya nagkaroon na siya ng batayan para hirangin ito.
Si Caguioa naman, bago hirangin ng Pangulo sa Korte Suprema, ay kanyang chief of staff. Nang mag-resign si De Lima sa DoJ, siya ang ipinalit ng Pangulo. Wala pang isang buwan na nununungkulan bilang Justice Secretary, hinirang na siya ng Pangulo sa Korte Suprema.
Kaya napagpasyahan ang DQ ni Poe ayon sa kagustuhan ng Malacañang. Pumanig ito kay Poe dahil makabubuti ito sa kanyang kandidatong si Roxas. Binabasag ngayon ni Poe ang mga boto sa Regions I at II, at kung hindi siya tumakbo ay masasarili ni VP Binay. Kaya, kapag ganitong isyu, tulad ng citizenship ni Poe, ang muling susulpot, puwedeng ipabaligtad sa Korte ang naging desisyon nito sa kaso ng senadora. (RIC VALMONTE)