IPINATUPAD ng isang Los Angeles judge ang tatlong taong restraining order laban sa stalker ni Mandy Moore.
Inaresto ang inaakusahang stalker ni Moore, na si Salahudin Moultaali, nitong nakaraang buwan matapos paulit-ulit na magpakita sa tahanan ng 31 taong gulang na singer/actress, ayon sa police report.
Nakasaad sa restraining order na nag-iwan si Moultaali ng note sa ilalim ng gate ng bahay ni Moore at sinabing siya si “Satan and the Devil,” at idinagdag na, “I am looking to meet for personal reasons. I am God as well.”
Sa ikalawang pagkakataon, muling nagpakita si Moultaali sa pintuan ni Moore nang gabi ring iyon. At sila ay nag-usap. “He told me he was from another planet and looking for me. He knew my name. I told him he had the wrong house and I hung up,” saad ni Mandy Moore sa restraining order na inihain niya.
Nakasaad sa police report na kalakip ng restraining order, tatlong beses na nagpabalik-balik si Moultaali at pinapatunog ang kanyang doorbell. Tinitingnan lang umano ni Moore si Moultaali sa pamamagitan ng security camera at agad tumawag ng pulis. Sinubukang tumakas ni Moultaali sa pamamagitan ng motorsiklo ngunit hanarang siya ng mga pulis at inaresto.
Nakasaad din sa restraining order ang panayam ng pulis na sinabi ni Moultaali sa mga officer na “spiritual forces were guiding him” papunta kay Moore, at inilarawan niya si Moore bilang kanyang asawa. Sinabi rin ni Moultaali na kung hindi ito mangyayari, “the world would fall apart or he would be killed.” Ipinagpalagay ng mga officer na may problema sa pag-iisip si Moultaali.
Nakasaad din sa restraining order na kinakailangang mapanatiling 100 yards ang layo ni Moultaali kay Moore, sa tahanan nito, sasakyan, at kahit saang lokasyon.
“I am afraid for my safety and well-being. I have suffered, and continue to suffer, substantial emotional distress,” ani Mandy Moore.
Kamakailan lamang ay namataan ang singer/actress sa Beverly Hills, California na tila may inaasikaso. Siya ay nakapantaloon, nakasuot din ng red and white striped shirt at leather jacket at naka-sunglasses. (ET Online)