Itinuring ni Vice President Jejomar Binay na “demolition by perception” ang ikinakasa ng gobyernong Aquino sa pagsasapubliko ng Commission on Audit (CoA) report hinggil sa umano’y multi-bilyong pisong anomalya sa Makati City Hall Building II kahit na hindi pa nakukumpleto ang proseso.

Binatikos din ng United Nationalist Alliance (UNA) standard bearer ang umano’y kutsabahan ng CoA at Office of the Ombudsman sa pagpapalabas sa hilaw na CoA report upang itaon ito sa ikalawang yugto ng presidential debate, na gagawin sa Cebu sa Marso 20.

“Umpisahan muna natin sa Ombudsman, sige pa ‘yung demolition by perception,” pahayag ni Binay sa isinagawang campaign rally sa Rosario Civic Center sa La Union.

“The report is still incomplete. The process of COA is not finished yet,” dagdag ni Binay.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Aniya, isinumite pa lamang ng isang panel ang CoA report at nakabimbin pa rin ang motion for reconsideration na inihain ng kanilang kampo.

“It is not a finished product. Pero as usual ang Ombudsman kasama sa conspiracy ng paninira. Malapit na ang debate,” pahayag ni Binay.

Pinabulaanan din ni Binay ang mga ulat na tinangka ng kanyang kampo na pigilin ang paglabas ng CoA report at sa halip, itinuro ang audit agency na gumawa umano ng hakbang upang agad na mailabas ang naturang audit report hinggil sa kontrobersiyal na istruktura sa Makati City. (Anna Liza Villas-Alavaren)