ride2 copy

BAGO CITY, Negros Occidental – Mula sa ‘Lupang Pangako’, tila may naghihintay pa ring pedestal kay Ronald Oranza sa Visayas leg ng 2016 Ronda Pilipinas.

Matatag mula simula hanggang sa huli, ratsada ang pambato ng Philippine Navy-Standard Insurance para masungkit ang Stage One ng ikalawang leg ng prestihiyosong karera sa kahapon, sa Manuel Torres Coliseum and Culture Center.

Sa Minadanao Leg sa nakalipas na buwan, napagwagihan din ni Oranza ang unang yugto ng karera. Sa pagkakataong ito, walang hirap niyang dinomina ang 46.95 kilometrong Criterium, sa kabila ng matinding hamon ng Team Davao City at Team Iloilo.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Isinumite ng 22-anyos mula Villasis, Pangasinan ang tyempong isang oras, siyam na minuto at 23.946 segundo upang ungusan sa rematehan ang kasanggang si Rudy Roque (1:09:24.082) at ang miyembro ng Team LBC na sina Rustom Lim (1:09:24.401) at si Ronald Lomotos (1:09:26.304).

Ikalimang dumating sa finish line si Daniel Vien Carino ng Navy (1:09:29.012), kasunod sina Joel Calderon ng Navy (1:09:26.314s), John Paul Morales ng Navy (1:10:07.660), Julius Mark Bonzo ng Team LBC/MVP (1:10:08.943s), Lloyd Lucien Reynante ng Navy (1:10:09.935) at George Oconer (1:10:11.899).

Inangkin din ni Oranza ang dalawang nakatayang Intermediate Sprint sa karera upang tipunin ang tig-limang puntos para sa kategorya na Sprint King. Nakuha rin niya ang kabuuang 15 puntos para sa overall classification upang isuot ang Green at Red jersey. Nakuha naman ni Novendane Alejado ng Team Iloilo ang yellow jersey na para sa best homegrown rider.

Isasagawa bukas ang Stage Two sa Iloilo City na siyang magiging tampok na aktibidad na Iloilo Bike Festival na isang criterium para sa mga Executive riders na maglalabanan sa loob ng 30 minuto at tatlong dagdag na lap bago sundan ng Pro/Elite na sisikad sa loob ng isang oras at dagdag na tatlong lap.

"We want to use LBC Ronda Pilipinas as not only to give our local riders some additional income but to also discover talents from the far flung areas like Mindanao and the Visayas," sabi ni Ronda project director at LBC Sports Development head Moe Chulani.

Ang krusyal na Stage Three, isang 121.50 kilometrong road race at nakataya ang espesyal na kategorya tulad ng King of the Mountain at Sprint na may nakalaang importanteng puntos, ay tatahakin ang buong siyudad ng Iloilo sa Martes patungo sa Roxas City.

Kukumpletuhin ang Visayas Leg sa race against time na Individual Time Trial Stage Four sa umaga at ang Stage Five na criterium sa hapon.

Ang karera, na maayos at matagumpay na pinatatakbo ng LBC Express sa pamamagitan ng kanilang logistics, ay sanctioned ng PhilCycling at suportado ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Versa Radio-Tech 1 Corp., Maynilad at NLEX. (Angie Oredo)