ARCI AT GERALD copy

LAST Wednesday night, umakyat na sa P100M ang kita sa takilya ng Always Be My Maybe na pinagbibidahan nina Arci Muñoz at Gerald Anderson.

Tatlong linggo nang palabas sa mga sinehan ang naturang pelikula at patuloy pa pinapanood dahil sa kakaiba (pa ring) pagkakagawa nito ni Direk Dan Villegas (English Only Please, The Breakup Playlist, Walang Forever).

Sa Star Cinema, P100M ang box office gross income na dapat ma-reach ng pelikula para maituring na big star na ang isang artista.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Literal na rock star na ang dating ngayon ni Arci, na kilala rin sa rock scene bilang bokalista ng banda niyang Philia.

Nagbunga na sa wakas ang mga pagtitiyaga ni Arci, na nagsimulang makilala sa showbiz nang sumali sa Starstruck (Season 3) ng GMA-7 noong 2005, 11 years ago.

Galing Siyete, lumipat sa TV5 si Arci a few years ago, napalipat uli sa ABS-CBN noong 2014 at nakasama sa Pasion de Amor, binigyan ng supporting roles at nagmarka sa Etiquette for Mistresses at A Second Chance.

Ngayon, siya ang pinakabagong box office sweetheart.

Pero higit sa lahat, nakabalik sa “tamang landas” si Gerald Anderson sa Always Be My Maybe.

Paulit-ulit na nauudlot ang stardom ni Gerald, lalo na kapag nakikipag-break siya sa high profile na girlfriends niya.

Kung pangangatawanan niya ang deklarasyon niya sa presscon ng pelikula nila ni Arci na wala na muna siyang lovelife, at hindi niya liligawan ang dalaga, baka-sakaling magtuluy-tuloy na ang pagkahinog ng movie career niya.

Congrats, Arci and Gerald! At ganoon din siyempre kay Direk Dan at sa Star Cinema! (DINDO M. BALARES)