Nasawi ang isang babaeng police trainee matapos atakehin ng heat stroke habang sumasailaim sa Public Safety Basic Recruit Course Training sa Camp Vicente Lim sa Calamba, Laguna, nitong Martes ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Vanessa Tenoso, 28, at tubong Cagayan Valley.
Sinabi ni Senior Supt. Ernesto Agas, hepe ng training unit ng Philippine National Police (PNP), na dumaing ng pagkahilo si Tenoso kaya dinala ito sa ospital sa Calamba, ngunit idineklarang dead on arrival.
Ayon kay Agas, cardiac arrest due to heat stroke ang dahilan ng pagkamatay ni Tenoso at nakalagak ngayon ang kanyang labi sa mortuary ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Iuuwi sa Cagayan Valley ang bangkay ni Tenoso.
Sumasailalim si Tenoso sa anim na buwang public safety basic training at magtatapos na sana sa Marso 16 upang ganap na makapasok sa Special Action Force (SAF) ng PNP.
Samantala, sinabi ni Agas na nagbigay ang PNP ng paunang P80,000 donasyon sa pamilya ni Tenoso para sa mga pangangailangan sa kanyang burol, habang pinamamadali na ang pagpoproseso at pagpapalabas ng P220,000 hanggang P240,000 mula sa public safety fund para sa mga magulang na naulila ni Tenoso. (FER TABOY)