ALAM ba ninyo kung ano ang katumbas ng salitang “pedestrian” sa wikang Filipino?

Sa pagsasaliksik ni Boy Commute, ang pinakamalapit na pagsasalin sa Filipino ng salitang “pedestrian” ay “taong naglalakad.”

Kung literal ang paggamit, maaari rin kayang tawaging “pedestrian” ang taong naglalakad sa pilapil? O maging namamasyal sa liwasan?

Maging ang mga lokal na mamamahayag ay ‘tila namimilipit din sa paghahanap ng eksaktong translation ng salitang English na ito sa Filipino, hindi tulad ng “commuter” na naipipilit nilang isubo sa publiko bilang “mananakay” sa halip na simpleng “pasahero.” Bakit kaya hindi pa nila pinipilit gamitin ang salitang “mananawid”?

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ito’y tinalakay ni Boy Commute bilang patunay na walang halaga sa lipunan ang mga “pedestrian.”

Mula sa pagsasalin sa sariling wika, hanggang sa aktuwal na kaganapan, hindi binibigyan ng importansiya ang mga pedestrian.

Dito sa Metro Manila, na halos mala-sardinas na ang pagsisiksikan ng mga tao, wala na ring puwang ang mga pedestrian kahit saan.

Sa bangketa, andyan at nakabalagbag ang tindahan ng mga vendor kaya walang madaanan ang mga pedestrian.

Kung hindi man vendor ang kalaban, andyan din ang mga nakaparadang sasakyan na ‘tila pati sidewalk ay nabili na nila.

At kung mamalasin pa, masasagasaan ang pedestrian ng mga motorsiklo at bisikleta na pilit na idinaraan sa maliit na espasyo na dapat sana’y esklusibong nakalaan sa mga tao.

Hindi d’yan nagtatapos ang kalbaryo ng mga pedestrian.

Sa mga tawiran na mismong ang gobyerno ang nagtalaga, binansagan man itong “pedestrian lane” subalit alam nating lahat na madalas na hindi rito tumatawid ang mga tao.

Mas nanaisin nilang makipagpatintero sa matutuling sasakyan sa gitna ng mga pangunahing lansangan sa halip na tumawid sa pedestrian lane.

At kapag napinahan ng motorista, galit pa ang “pedestrian.” Ang gulo-gulo n’yo!

Sa mga commercial center, milyun-milyon ang ginastos ng gobyerno upang mailagay ang mga modernong traffic light na kumpleto sa traffic signal, timer at pedestrian “stop-go” indicator.

Pero sinusunod din ba ito?

Laging nagmamadaling makatawid kahit pula pa ang ilaw, masdan n’yo naman ang paglakad ng ilang pedestrian na talo pa ang pagrampa ni Miss Universe Pia Wurtzbach.

Ito ang masaklap. Kapag nakasagasa ang isang motorista ng jaywalker (tumatawid hindi sa pedestrian lane) at namatay ang biktima, kulong agad dahil sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Nagtanong si Boy Commute sa ilang pedestrian kung bakit pilit nilang tumatawid sa hindi pedestrian lane.

Ang sagot nila: “Hindi kami iginagalang ng motorista.”

Paikut-ikot lang ang problema. (ARIS R. ILAGAN)