Jordan Clarkson

Warriors, luhod sa Lakers; Home winning streak ng Raptors, pinasabog ng Rockets.

LOS ANGELES (AP) —Hindi araw-araw hahalik ang suwerte.

Ito ang sampal na katotohanan na gumising sa defending NBA champion Golden State matapos matuldukan ng Los Angeles Lakers ang seven-game winning streak ng Warriors sa pamamagitan ng 112-95 panalo, nitong Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Naitala ng Warriors, nangungunang shooting team sa liga, ang pinakamasamang 13 porsiyento sa 3-point range, nang tila may humarang sa basket para sa tira ng pamosong ‘Splash Brother’ na sina Stephen Curry at Kyle Thompson.

“We got what we deserved,” pahayag ni Warriors coach Steve Kerr.

“When the ball doesn’t go in, you have to win with energy and defense and toughness, and we didn’t have any of that.”

Pinangunahan ang batang Lakers nina Filipino-American Jordan Clarkson na kumana ng 25 puntos at rookie D’Angelo Russell na tumipa ng 21 puntos. Ipinatikim ng Lakers sa Warriors ang ikaanim na kabiguan ngayong season – pawang road game.

Nag-ambag si Kobe Bryant ng 12 puntos sa ipinapalagay na pinakamalaking ‘upset’ sa kasaysayan ng NBA ngayong season. Itinuturing na pabaon ang panalo para sa kanyang pagreretiro.

“Kobe kept us on our toes,” sambit ni Russell.”He was coaching us the whole game from the sideline. Telling us to push it when we got it, don’t wait, and it worked.”

Nalimitahan si Curry sa 18 puntos, habang tumipa si Klay Thompson ng 15 puntos sa pinagsamang 1 of 18 mula sa 3-point range ng NBA-All Stars 3-point finalist. Sa kabuuan, nagmintis ang Warriors ng 26 sa 30 pagtatangka, pinakamababang porsiyento para sa koponan na nakapagtala ng average na 13 3-pointer.

“I would say 24 of them were good shots that just missed. It happens,” pahayag ni Curry.

Sa kabila ng kabiguan, buhay pa rin ang pag-asa ng Warriors (55-6) na mapantayan ang NBA record 72-10 ng Chicago Bulls noong 1998 season.

THUNDER 104, BUCKS 96

Sa Milwaukee, kumana ang 1-2 punch sa opensa ng Oklahoma Thunder, para pabagsakin ang Bucks.

Hataw sina Kevin Durant sa 32 puntos at 12 rebound, habang kumubra si Russell Westbrook ng 15 puntos, 10 rebound at 11 assist, para sa ika-10 triple-double ngayong season.

“Were solid all night. They didn’t get nothing easy,” sambit ni Durant.

Nailista naman ni Antetokounmpo ang ikatlong career triple-double ngayong season sa naipasok na 26 na puntos, 12 rebound at 10 assist, habang humugot si Jabari Parker ng 26 na puntos.

NUGGETS 116, MAVS 114

Sa Denver, nagliyab ang opensa ni D.J. Augustin sa overtime sa walong puntos, kabilang ang dalawang free throws sa huling 0.9 segundo para sandigan ang panalo ng Nuggets kontra Dallas Mavericks.

Kumubra ng kabuuang 12 puntos si Augustin para tulungan ang koponan sa paghihiganti matapos matalo sa Maverics sa isa ring overtime game noong Pebrero 26.

Nanguna si Kenneth Faried sa Nuggets sa 25 puntos at season-high 20 rebound, habang tumipa si Will Barton ng 20 puntos.

Nanguna sa Dallas si Dirk Nowitzki na may 30 puntos, habang tumipa si Deron Williams ng 17 puntos para sa ikalawang sunod na kabiguan ng Mavericks.

ROCKETS 113, RAPTORS 106

Sa Toronto, ginapi ng Houston Rockets, sa pangunguna ni James Harden na kumana ng 40 puntos at 14 assist, ang Raptors.

Ito ang kauna-unahang kabiguan ng Raptors sa sariling tahanan mula noong Enero 3 sa Chicago Bulls.

Naputol din ng Rockets ang eight-game losing streak sa Toronto mula noong 2006-07 season.

Kumubra si Corey Brewer ng 23 puntos, habang nagtumpok si Dwight Howard ng 21 puntos at 11 rebound.

Nanguna si Luis Scola sa Raptors na may 21 puntos, habang umiskor si DeMar DeRozan ng 19.

HEAT 103, SIXERS 98

Sa Miami, ipinamalas ni Hassan Whiteside ang dominasyon sa depensa sa nailistang pitong blocked shot para gabayan ang Heat laban sa Philadelphia 76ers.

Nakamit ng Sixers ang ika-12 sunod na kabiguan.

Hataw si Goran Dragic sa Heat sa natipang 23 puntos, walong rebound at limang assist, habang humugot si Dwyane Wade ng 23 puntos. Nagtumpok si Whiteside ng 14 na puntos at 13 rebound.