Nakabawi ang University of the Philippines sa Ateneo de Manila sa impresibong 19-25, 25-22, 25-17, 25-22 panalo nitong Linggo sa second round elimination ng UAAP Season 78 volleyball tournament, sa The Arena sa San Juan.

Mula sa dikitang first set, kumikig ang Lady Maroons at tinapatan ang bawat ratsada ng Lady Eagles para walisin ang huling tatlong set at kunin ang pinakamalaking panalo laban sa two-time defending champion.

“Ginaya namin yung istilo ng La Salle. They were serving long, they were serving hard,” pahayag ni UP coach Jerry Yee.

“Of course klaro na sa template ng play namin kung paano namin mababasag yung depensa nila. Tyempo rin ang maganda ang nilaro ng mga bata. Determinado,” aniya.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Bunsod ng panalo, naiganti ng Lady Maroons ang straight set na kabiguan sa Lady Eagles sa first round ng elimination at nahila ang karta sa 5-3.

Nalasap naman ng kampeon ang ikalawang sunod na kabiguan matapos maungusan ng mahigpit na karibal na La Salle Lady Archers sa pagsasara ng first round elimination.

Bagama’t nakapagposte ang Lady Eagles ng 29 excellent reception at 33 dig, nahirapan silang makagawa ng play sa lakas at matikas na service shot ng Lady Maroons.

“Hindi sila maka-execute ng play nila so nagmukhang maganda ang play natin because it came sa mga easy passes,”ani Yee. “So with all due respect medyo hindi ‘yung A-game nila (ang nilaro ng Ateneo). Hindi ‘yung A-palo nila ang nand’yan so maganda ang execution natin kahit papaano.”

Hindi na nagbigay ng kanyang post-game interview si Lady Eagles star Alyssa Valdez na kaagad na umalis ng venue matapos ang laro.

Magaan namang ginapi ng National University Lady Bulldogs ang Adamson Lady Falcons, 25-18, 25-12, 25-18.

(MARIVIC AWITAN)