Nakatuon ang atensiyon sa defending champion Arellano University, habang target ng Perpetual Help na muling mangibabaw sa paglarga ng 91st NCAA cheerleading competition ngayon sa MOA Arena sa Pasay City.

Naagaw ng Chief Squad ang korona sa Altas Perps Squad, nagtatangkang makuha ang six-peat, sa nakalipas na season sa ipinapalagay na pinakadikit na labanan sa torneo.

Naungusan ng Chief Squad ang Altas Perps sa gahiblang, 405.5-404.5.

Ngayong taon, asam ng Arellano na mapantayan, hindi man mahigitan, ang impresibong kampanya sa nakalipas na season.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“We’ve prepared for the whole year and we hope to successfully defend our title,” sambit ni Arellano U coach at trainer Lucky San Juan.

Target ng Arellano na masungkit ang ikaapat na titulo sa senior division matapos ang matagumpay na kampanya sa chess, football at athletics.

Para matupad ang kanilang pangarap na muling magbida, kailangan ng Perpetual ang dobleng kayod at sakripisyo.

“We’ve trained harder after what happened last year. We’re confident we can win it back this season,” sambit ni Perpetual mentor Randolph Rosario.

Bukod sa Perpetual, malaking balakid din sa kampanya ng Perpetual Help at Arellano U ang Mapua at Jose Rizal.

Ayon kay NCAA Management Committee chairman Melchor Divina, tiyak na mas kalulugdan ang kompetisyon ngayon dahil sa pagnanais ng bawat isa na makahirit sa pagsasara ng season.

“The cheerleading competition is a fitting ending to what has been a successful and massive year for the NCAA,” aniya. (Marivic Awitan)