PILOT telecast na ngayong Lunes, 5 PM, ang pinakabagong game show ng ABS-CBN na iho-host ni Robin Padilla kasama si Alex Gonzaga at kasama rin sina Eric Nicolas, MJ Lastimosa at Negi.
Ang show ay magkakaroon ng 100 contestants na pawang magkakabarangay na sama-samang gagawin at tatapusin ang isang hamon sa pag-asang makuha ang espesyal na jackpot prize. Iba-iba ang jackpot depende sa pangangailangan ng barangay tulad ng pailaw, renovation ng daycare centers o basketball courts, atbp.
Magsisimula ang Game ng Bayan na may anim na manlalaro. Sa unang round na “Ang Dami Mong Alam,” magbibigay ang hosts ng isang tanong na marami ang posibleng sagot. Matatanggal lamang ang manlalaro kapag mali ang sagot, inulit ang sagot o kapag ubos na ang lahat ng posibleng sagot.
Sa pangalawang round naman na “Buksan Ang Plato,” isa-isang pipili ng plato ang natitirang tatlong manlalaro na sasamahan ng kanilang kaanak o mga kaibigan. Ang unang manlalaro na makakakuha ng tatlong “Yehey” ang maglalaro sa jackpot round.
Sa jackpot round, isandaang miyembro ng barangay ang sasama at makikipagtulungan sa manlalaro upang magawa ang hamon. Teamwork at pagkakaisa ang magiging susi nila para sa huli sila ay magwagi sa Game ng Bayan.
Ang mga mananalong barangay mula Lunes hanggang Huwebes ay maglalaban-laban sa Biyernes para magkaalaman kung alin ang pinakamahusay na barangay sa linggong iyon.
Ang Game ng Bayan ay orihinal na konsepto ng ABS-CBN.