BOSTON (AP) — Hataw si Isaiah Thomas sa 32 puntos at walong assist, ngunit ang go-head layup ni Avery Bradleysa huling 17.7 segundo ang nagsilbing paningit para maitakas ng Celtics ang 105-104 panalo kontra New York Knicks nitong Biyernes ng gabi (Sabado sa Manila).

Nag-ambag si Evan Turner ng 21 puntos at walong rebound, habang kumana si Jae Crowder ng 20 puntos at walong rebound para sa ika-13 sunod na home-game win ng Celtics.

Naghabol ang Boston sa walong puntos na bentahe ng Knicks sa fourth quarter, ngunit nagpakatatag sa krusyal na sandal para mapanatili ang matikas na karta sa Garden at itarak ang pinakamahabang franchised winning streak ngayong season.

May pagkakataon ang Knicks na maagaw ang panalo, ngunit sumablay ang pagtatangka ni Carmelo Anthony sa 3-pointer sa buzzer.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kumana si Anthony ng 30 puntos at pitong rebound, habang tumipa si Arron Afflalo ng 17 puntos at kumubra si rookie center Kristaps Porzingis ng 15 puntos.

HEAT 112, SIXERS 102

Sa Philadelphia, ratsada si Hassan Whiteside sa nakopong 19 puntos at 19 rebound, habang umiskor si Dwyane Wade ng 21 puntos sa panalo ng Miami Heat kontra Philadelphia 76ers.

Hataw din sina Goran Dragic na may 15 puntos at 11 assist at Luol Deng na may 13 puntos. Tumipa ng tig-12 puntos sina Joe Johnson, Amar'e Stoudemire at Gerald Green.

Nanguna sa Sixers si Ish Smith sa nakopong 26 puntos, walong rebound at limang assist, at umiskor si Robert Covington ng 25 puntos para sa Philadelphia na nabigo sa ika-11 sunod na laro.

CAVS 108, WIZARDS 83

Sa Cleveland, kinapos lang ng tatlong assist si LeBron James para sa triple-double, habang tumipa si Kyrie Irving ng 21 puntos sa panalo ng Cavs kontra Washington Wizards.

Kumana si James ng 19 puntos, 13 rebound at pitong assist, habang umiskor si Timofey Mozgov ng 14 na puntos.

Nanguna si John Wall sa nakubrang 17 puntos sa Wizards na nakikipaglaban para sa ikawalong puwesto sa Eastern Conference playoff.