ANG kasakiman ng China ay parang walang katapusan. Base sa mga lumabas na balita nitong Miyerkules, inokupahan nito ang isa pang atoll ng Pilipinas, ang Qurino o ang Jackson Atoll, isang sa mga tradisyunal na pangisdaan (fishing ground) ng mga Pilipino na malapit lang sa Palawan.

Batay sa huling ulat, limang barko ng China ang itinalaga roon at nagbabantay upang pagbawalan ang mga Pilipinong mangingisda na makatuntong doon at manghuli ng isda. Ang Jackson Atoll na kontrolado na ngayon ng China, ay isang mayaman sa isda na pangunahing ikinabubuhay ng mga Pinoy mula sa Palawan, Southern Luzon, Western Visayas, at maging ng Metro Manila. Di nagtagal ay umalis na rin umano ang limang barko ng China.

Sa pagiging sakim ng bansa ni Chinese Pres. Xi Jin Ping, inaangkin nito ang halos buong West Philippine Sea. Naghain ng kaso ang Pilipinas sa international arbitral court pero ayaw lumahok nito. Nakakatawa na lamang dahil ang Chinese government na laging nag-aakusa sa US ng pagiging imperyalista, expansionist at kapitalista, ay ginagaya na rin nila ngayon.

***

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nangako ang Land Transportation Office (LTO) na maire-release na nito ang mahigit 600,000 bagong plaka na ngayon ay nakatengga sa Bureau of Customs (BoC) bago bumaba sa puwesto si President Aquino sa Hunyo, 2016. Inuulit ko, mahigit isang taon na nang mag-renew ako ng aking plaka, pero hanggang ngayon ay wala pa rin na dapat ay kapalit ng green plate ng luma kong sasakyan.

Sino ba ang ulol, este pinuno ng gobyerno (excuse me po), ang nag-isip na pati mga dating plaka ay palitan? Ang dapat isyuhan ng bagong black and white plate ay iyon sanang mga bagong biling sasakyan lang at hindi mga dating plaka na okey naman ang pagkakakabit. Naghihinala ang milyun-milyong car owner na pera-pera lang ang pagpapalit na ito ng mga plaka at baka gamitin sa eleksiyon.

***

Sa pag-ampon ng Nationalist People’s Coalition (NPC), na ang founder ay si ex-Ambassador Eduardo “Danding” Cojuangco Jr., kina Sen. Grace Poe at Sen. Francis Escudero (Poe-Francis), laking inggit at pagkabahala nina Liberal Party (LP) presidential candidate Mar Roxas at UNA bet Vice President Jojo Binay. Hindi raw sila nababahala sa pag-ampon kina Pulot at Chiz ng NPC. Talaga lang ha? (BERT DE GUZMAN)