Muling napili si eight-division world champion at Pinoy boxing icon Manny “Pacman” Pacquiao para sa ‘cover page’ ng pamosong The Ring magazine -- tinaguriang “Bibliya ng Boksing”.

Para sa ika-30 pagkakataon, simula nang maging propesyonal ang 37-anyos na si Pacman, ilalabas ang May 2016 issue ng magazine na may mga larawan at istorya ng Sarangani Congressman.

Unang naging pabalat ng magazine si Pacquiao noong Abril 2004 kung saan itinampok ang kanyang impresibong 11-round TKO win kontra Marco Antonio Barrera.

Para sa May 2016 issue, ipakikita ang ikatlong sagupaan ni Pacquiao at Timothy Bradley Jr. sa Abril 10 (oras sa Maynila) na gaganapin sa 16,800-seater MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Naunang sinabi ni Pacquiao na isasabit na niya nang tuluyan ang kanyang boxing gloves kahit na ano pa ang maging resulta ng kanyang ikatlong laban kay Bradley.

Nahablot ni Pacquiao ang kabuuang 12 world titles sa walong magkakaibang weight class at itinanghal bilang Fighter of the Year ng tatlong beses ng The Ring Magazine at ng nirerespetong Boxing Writers Association of America (BWAA).

Kasalukuyang ranked No. 7 si Pacquiao sa The Ring’s pound for pound list at nanatiling nasa Top 10 sa loob ng 635 linggo. (Gilbert Espeña)