ISANG malaking kabalintunaan na isang sunog ang sumiklab sa Quiapo sa unang araw ng Fire Prevention Month (FPM). Hindi lamang tuwing buwan ng Marso, kung sabagay, nagaganap ang ganitong trahedya; walang pinipiling oras ang sunog na katulad ng isang magnanakaw kung gabi, wika nga.

Ito ang dahilan kung bakit lagi tayong bahagi ng higit na nakararaming mamamayan na naniniwala na ang pag-iingat laban sa sunog ay kailangang isagawa sa lahat ng pagkakataon. Isipin na tuwing ilulunsad ang FPM, halos lahat ng pamatay-sunog sa buong bansa ay sabay-sabay na paparada upang ikintal sa kamalayan ng sambayanan ang kahalagahan ng pag-iwas sa sunog.

Palibhasa’y dumanas na ng nakakikilabot na karanasan sa sunog, lagi kong kinukulit ang aming mga kasambahay at kapit-bahay na maging maingat laban sa sunog.

Tiyaking ligtas ang pagkakalagay ng mga electrical device, pagtanggal sa saksakan kung hindi naman ginagamit at patayin ang mga ilaw. Higit sa lahat, tiyaking nakasarado ang mga tangke ng gasolina at electrical stove. Mapanganib ang mga illegal connection na marapat isumbong sa mga awtoridad.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi biro ang pamiminsala ng sunog sa buhay at ari-arian. Hindi pa nagtatagal, halimbawa, ang nasunog na pabrika sa Valenzuela City na ikinamatay ng mahigit 300 manggagawa. Titis lang ng welding rod ang sinasabing pinagmulan nito.

At sino ang makalilimot sa pagkasunog ng isang disco house sa Quezon City may ilang taon na rin ang nakalilipas.

Hindi ba’t mahigit 300 ding nagkakasayahan, karamihan ay mga kabataan, ang namatay? Nakulong sa loob ng establisimiyento ang mga biktima. Marami pang kahindik-hindik na insidenteng tulad nito ang naganap.

Totoo, ang sunog ay aksidente na hindi maiiwasan; mababawasan lamang. Hindi ito sinasadya na tulad ng panununog ng mga rebeldeng Muslim at NPA sa mga tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Mindanao; at sa pagsunog ng mga heavy equipment ng mga kumpanya ng pagmimina at construction firms. At lalong hindi katulad ng sinasabing panununog ng bahay ng mga iskuwater upang ang naturang lugar ay mapagtayuan ng mall at gusali ng mga negosyante.

Anupa’t ang pag-iingat laban sa sunog sa lahat ng oras ay tungkulin nating lahat. (CELO LAGMAY)