davis cup copy

Bukod sa masandigan ang bansa pabalik sa Group 1 tie, makasungkit ng krusyal na puntos para sa Olympics ang misyon ni Fil-Am Treat Conrad Huey sa pagsabak ng Philippine Davis Cup Team kontra Kuwait sa Asia-Oceania Group II Davis Cup tie simula kahapon, sa Valle Verde Country Club sa Pasig City.

Sisimulan ng Pinoy ang unang hakbang para makabalik sa top level competition sa pagsabak nina RP No.1 Jeson Patrombon at Fil-Am Ruben Gonzales sa singles event sa ganap na 3:00 ng hapon.

“Everybody is hoping to play in the Olympics and it is such a huge dream to chase and to accomplish with,” pahayag ni Huey, kasalukuyang nasa No. 30 sa world ranking matapos manalo sa doubles event ng ATP Challenger sa Acapulco, Mexico.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Target ni Huey na makapasok sa Top 20 sa world ranking upang makakuha ng karapatan na magbitbit ng kababayang makakatambal sa Rio Olympics sa Agosto 5-20.

“We still have four months to reach that goal,” sambit ni Huey, nakatakdang sumabak pa sa ilang international tournament para makatipon ng sapat na puntos sa para sa Rio Games.

Mapapalaban si Patrombon kay Kuwait No. 2 Abdulrahman Alawadhi sa opening singles habang haharapin naman ni Gonzales si Kuwait top netter Mohammad Ghareeb sa second singles.

Magpapares naman sina Fil-Am Treat Huey at Francis Casey Alcantara kontra kina Ghareeb at Abdulhamin Mubarak sa natatanging labanan sa doubles ngayong 6:00 ng gabi.

Gaganapin ang reverse singles sa Linggo. (ANGIE OREDO)