Spurs, Celts at Raptors, malupit sa home game.

SAN ANTONIO (AP) -- Hindi lang Golden State Warriors ang lumilikha ng kasaysayan sa kasalukuyang season ng NBA.

Walang dungis ang San Antonio Spurs sa AT&T Center sa 29 na sunod na home game matapos pabagsakin ang Detroit Pistons, 97-91, nitong Miyerkules ng gabi (Huwebes sa Manila).

Hataw si Kawhi Leonard sa 27 puntos, habang kumana si LaMarcus Aldridge ng 23 puntos para patatagin ang kampanya ng Spurs (51-9), tungo sa playoff sa ika-19 na sunod na taon.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Nalimitahan nina Aldridge at Tim Duncan ang opensa ni Detroit center Andre Drummond sa 9 na puntos at 14 na rebound, sapat para matuldukan ang career-high at league’s season-high 13 sunod na double-doubles.

Kumana sina Marcus Morris at Tobias Harris ng tig-16 puntos para sa Pistons (31-30).

CELTICS 116, BLAZERS 93

Sa Boston, hinila rin ng Celtics, sa pangunguna ni Isaiah Thomas na tumipa ng 30 puntos, ang home-game winning streak sa 12 sa pamamagitan ng impresibong panalo kontra Portland Trail Blazers.

Nag-ambag si Avery Bradley ng 17 puntos para sa Celtics, nagtala ng kauna-unahang home game winning streak mula nang makuha ang 13 sunod na panalo sa Garden noong 2008-09 season.

Nanguna si Damian Lillard sa Portland sa natipang 20 puntos, habang kumubra si C.J. McCollum ng 17 puntos.

Naputol ang six-game road win streak ng Blazers na nabigo sa kauna-unahang pagkakaton mula noong Enero 16.

RAPTORS 104, JAZZ 94

Sa Toronto, pinatahimik ng Raptors, sa pangunguna nina Kyle Lowry na kumana ng 32 puntos at DeMar DeRozan na tumipa ng 31 puntos, ang Utah Jazz para sa club-record 11th straight na panalo sa Air Canada Center.

Kumana rin si Lowry, tumipa ng career-high 43 puntos sa panalo laban sa Cleveland nitong Biyernes, ng 5 assist at 4 na rebound para sa ikalimang panalo sa huling anim na laro ng Toronto (40-19).

Nanguna sa Jazz (28-32) si Gordon Hayward na may 26 na puntos, 6 na assist at 3 rebound, habang humugot si Derrick Favors ng 15 puntos at 7 rebound.

GRIZZLIES 104, KING 98

Sa Memphis, Tennessee, ratsada si Mike Conley sa 24 puntos tampok ang 10 sa fourth quarter, para gabayan ang Grizzlies kontra sa Sacramento Kings.

Hataw din si Zach Randolph sa naitarak na 19 puntos at 8 rebound, habang kumana sina JaMychal Green at Mario Chalmers ng tig-15 puntos para sa ikalawang sunod na panalo ng Grizzlies sa huling 11 laro.

Nanguna si DeMarcus Cousins sa Kings na may 18 puntos at 16 na rebound, habang kumubra sina Darren Collison at Marco Belinelli ng 17 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod.