Hinihiling ng Pilipinas Shell Petroleum Corporation (PSPC) sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang diumano’y tax informer’s reward scam sa sinasabing pinatatakbo ng isang sindikato.
Ayon sa legal counsel ng PSPC na Cruz Marcelo & Tenefrancia law office, ang sindikato ay binubuo ng mga retirado at dating tauhan ng Bureau of Customs (BoC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na nakikipagsabwatan sa mga pribadong indibiduwal.
Naglabas ang Anti-Fraud Division ng NBI ng subpoena sa PSPC na may petsang Pebrero 11, 2016 para sa case conference na dinaluhan ni PSPC counsel at CMT Law partner Atty. Victor M. Pangilinan.
Lumiham ang Shell kay Finance Secretary Cesar V. Purisima noong Oktubre 20 na humihiling na imbestigahan ang diumano’y scam. Nakahanap ng basehan sa letter-complaint, ini-refer ng Department of Finance (DoF) ang usapin sa NBI para sa imbestigasyon. (James Loyola)