Inatasan ng Commission on Elections (Comelec) ang kampo ng Pambansang Kamao na si Sarangani Rep. Manny Pacquiao na magsumite ng komento at sagutin ang mga petisyong inihain sa poll body, na humaharang sa pagsasahimpapawid sa Pilipinas ng kanyang laban kay Timothy Bradley sa susunod na buwan.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na sa ngayon ay wala pang desisyon ang poll body kung papayagan ba o hindi ang pagpapalabas ng laban ni Pacquiao sa Pilipinas.

Ayon kay Bautista, nagkasundo ang Comelec en banc sa idinaos na sesyon kahapon, na bigyan ng limang araw si Pacquiao para magsumite ng komento sa isyu.

Hihintayin muna, aniya, ng Comelec ang komento ng kongresista bago magdesisyon ang poll body hinggil dito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Hindi naman masabi ni Bautista kung kailan nila mailalabas ang ruling sa usapin.

Nakatakdang lumaban si Pacquiao kay Bradley sa Abril 9, na natapat sa panahon ng pangangampanya para sa eleksiyon sa Mayo 9.

Naghain ng petisyon laban dito sina dating Rep. Walden Bello at dating Sen. Rene Saguisag, na humihiling na maipagpaliban ang laban.

Anila, kung iko-cover ng Philippine media ang event, tiyak na magkakaroon ng higit na bentahe ang fighting congressman, na kandidato sa pagkasenador, laban sa iba niyang katunggali.

Nabatid na noong 2007 ay lumaban na rin si Pacquiao kahit panahon ng kampanya, ngunit kandidato lamang siya noon sa pagka-kongresista kaya iba ang sitwasyon sa ngayon na national position ang kanyang puntirya. (MARY ANN SANTIAGO)