HOME sweet home ang pakiramdam ni Jolina Magdangal ngayong nagbalik na siya sa Star Music – ang recording label sa likod ng pinakamalalaki niyang pop hits – sa pamamagitan ng Back To Love, ang bagong album na puno ng love songs.
“’Yun talaga ako, ma-love songs ako. Masenti. Masaya ako ‘pag kumakanta ng hugot songs. Mas kinikilig ako ‘pag senti ‘yung kanta,” pagtatapat ni Jolina.
Mainit ang suporta ng fans sa pagbabalik ni Jolens sa recording scene kaya umabot agad ang Back To Love sa Gold Record Award sa mahigit 7,500 kopya ng CD na agad naubos sa loob ng dalawang linggo simula nang i-release ito.
Ayon kay Jolina, napakapersonal ng Back To Love, ang unang album niya sa Star Music sa loob ng 14 na taon, dahil naging hands-on siya sa paggawa nito.
“Super hands on ako sa album na ito. In-involve ko talaga ang sarili ko sa lahat, mula sa pagpili ng konsepto, pagpili ng songs, paggawa ng cover hanggang sa music video. Sobrang thankful din ako na binigyan ako ng chance ng Star Music,” aniya.
Tampok sa Back To Love ang unang single na Ikaw Ba ‘Yon, kasama ang Kaya Mo Pa Ba, Paano Na ‘To, at Nasaan Na na mga awitin na pawang nagsusumamo ng lumbay at pag-ibig.
Kabilang din sa album ang ‘90s hit ni Jolina na Kapag Ako Ay Nagmahal na mayroong 2015 version at isang remix tampok si Gloc-9.
Nagbabalik din dito ang Chuva Choo Choo 2.0, na mas naging kuwela pa dahil kasama niya si Vice Ganda.
Kasama rin sa track list ang Sa Panaginip Lang, Still You, Ganito Pala Ang Pag-ibig, at Throwback Lang na duet nila ni Kyla.
Ang Back to Love ay kasalukuyan nang napapakinggan sa Spotify at available rin sa record bars nationwide sa halagang P299. Maaari na ring ma-download ang digital tracks sa pamamagitan ng online music stores katulad ng ABS-CBN Store, iTunes, Mymusicstore.com.ph, Amazon.com, OneMusic.ph, at Starmusic.ph.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang Starmusic.ph o sundan ang official social media accounts ng Star Music sa Facebook.com/starrecordsphil, Twitter.com/starrecordsph at Instagram.com/Starmusicph.