Puntirya ni Jack Tepora na makapasok sa top 15 ranking ng World Boxing Organization (WBO) kung masusungkit niya ang bakanteng WBO Youth Asia-Pacific Super Bantamweight title laban kay Jason Tinampay sa Marso 6.
Bilang main event sa opening salvo ng Who’s Next? Pro Boxing Series na gaganapin sa Atrium ng bagong tayong Robinson’s Galleria sa Cebu City, nais ni Tepora na magmarka ang kanyang pangalan sa isipan ng boxing fans sa Pilipinas.
Noong nakaraang Pebrero 12 inilunsad ng Omega Pro Sports International Corporation ang Who’s Next? Pro Boxing series na layuning maipakita ang mga bagong talento at maipakilala sa boxing public ang mga de-kalidad na Filipino fighter na matagal nang nakikipagsalpukan sa loob ng ring.
“Gusto kong ipakita sa kanila na may magagaling na boxer ang IPI-Omega Gym,” pahayag ni Tepora.
“Ganoon din ang pakiramdam ng mga ka-stable mate ko. Gusto naming ipakita sa mga fans kung ano ang kaya naming gawin.”
Nangako rin ang 22 anyos na undefeated southpaw na maikakamada niya ang tagumpay sa harapan ng kanyang mga kababayang Cebuano.
“Hindi ko pa nakikita ang mga laban ni Tinampay pero narinig ko na agresibo siyang fighter kaya tiyak na maganda ang laban namin. Gusto kong imbitahan ang mga fans na magpunta sila at suportahan nila kami sa Marso 6,” ani Tepora, tubong Liloan, Cebu.
Nagsimulang maging professional boxer si Tepora noong 2012 at may perpektong rekord siya na 16 panalo, 11 sa pamamagitan ng knockouts.
“Gusto ko talagang maging boxer dahil sa kuya ko na si Pingping,” ani Tepora at itinuro ang kanyang kapatid na dating prizefighter at isa nang trainer sa Omega gym. “Dati akong five time national champion at naging best boxer na rin noon. Kinuha ako ng ABAP para makasama sa national team at lumaban ako para sa Pilipinas sa dalawang tournament sa abroad pero mas gusto ko talagang maging pro.”
Nakatakdang sumabak sa undercard sina Virgelio Silvano vs Fernando Ocon, Mark Vicelles vs Ronald Cajes, Ar-ar Borbon vs Russel Rosales, Allan Villanueva vs Mac-mac Baribar, Fil-jun Taneo vs Anthony Galigao, at Jerry Castroverde vs Ryan Quimbo. (Gilbert Espeña)