Sinimulan ng bansa ang 2016 na walang strike matapos matagumpay na naresolba ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang 10 malalaking labor dispute sa bansa noong Enero.
Ayon sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) ng DoLE, ang 564 na manggagawa na sangkot sa naayos na kaso ng notice of strikes/lockout (NS/L) nitong Enero ay pinagkalooban ng restitution packages na nagkakahalaga ng P65.3 milyon.
Sa tala nitong Enero, ang NCMB ay may 39 na iba pang nakabimbing kaso ng NS/L.
Ang NS/L ay itinuturing na isang hakbang bago mauwi sa tigil-trabaho ng mga manggagawa, na maaaring makaabala sa operasyon ng kumpanya at magkaroon ng masamang epekto sa employment status ng mga empleyado nito.
Iniulat ng DoLE na naresolba na ang 20 sa 72 kaso ng preventive mediation (PM) na natanggap nito noong Enero.
(Samuel P. Medenilla)