Ni Marivic Awitan

Tapos na ang dominasyon ng Jose Rizal University sa NCAA athletics championship.

Tinuldukan ng Arellano University Chiefs ang paghahari ng JRU Bombers sa nakalipas na limang taon nang kunin ang overall championship sa Season 91 ng liga, kahapon sa Philsports Track Oval sa Pasig.

Nakatipon ang Chiefs sa pamumuno ng nahirang na season MVP at Most Bemedalled Athlete na si Immuel Camino ng kabuuang 692 puntos.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Pumangalawa ang Mapua na naiwan nila dahil sa kawalan ng entries sa long at middle distance running event sa natipong 575.50 puntos.

Sa kabila ng pagkawala ng anim na mga beterano at dating gold medallist, kasama ng dalawa pang inalis sa line-up, nakuha pang tumapos ng Bombers sa ikatlong puwesto na mayroong 470.50 puntos.

Nagwagi si Camino sa 1,500 meter run, 3,000 meter steeplechase at 5,000 meter run para hiranging seniors MVP.

Napunta naman kay ‘Sprint King’ Jomar Udtohan ng San Sebastian College ang Most Record Breaker award sa bagong markang naitala sa 100 at 200 meter dash.

Sa junior division, nadomina ng Emilio Aguinaldo College- ICA ang huling araw ng kompetisyon upang mapanatili ang titulo sa junior division sa natipong 759 na puntos.

Pumangalawa ang San Sebastian College na may 656 at pangatlo ang Lyceum of the Philippines na may 341.50.

Nahirang na junior MVP si Jonathan Pulido habang Most Bemedalled naman ang kapwa niya Brigadier na si Rick Lilam na nagwagi ng gold medal sa 110 meter low hurdles, 400 m hurdles, 4x 100 at 4x400 meter relays.

“Talagang pinaghandaan naming mabuti ito. Nag-high altitude training pa kami sa Tagaytay at nag-concentrate kami sa long at middle distance dahil alam namin na doon kami makakakuha ng maraming puntos,” pahayag ni Arellano coach at dating national trackster Paul Coloma.

Para naman kay JRU coach Jojo Posadas, malaking achievement na para sa team ang makatapos na pangatlo.

“Yung anim na players ko na nag graduate at yung dalawang inalis ko sa team, 500 points na agad yung nawala sa min. Pero naka third pa rin kami at walang na-break sa mga record na hawak namin,” pahayag ni Posadas.