“Maawa kayo sa aming pamilya!”

Ito ang apela ng GrabBikers sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang ikonsidera ng ahensiya ang planong kanselahin ang kanilang operasyon.

Umaga ng Sabado ay nagtipun-tipon ang mga miyembro ng GrabBikers sa Pasig City matapos magsagawa ng Unity Ride upang pirmahan ang petisyon sa LTFRB na hihilinging bawiin ng ahensiya ang direktiba na magpapatigil sa operasyon ng GrabBike.

“Nanawagan kami sa LTFRB na payagan kaming makabalik muli sa kalsada, dahil ito lamang ang aming ikinabubuhay,” sabi ni Gilbert Manalili, leader ng grupo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi pa ni Manalili na kapag ipinatigil ang GrabBike ay magugutom ang pamilya ng mahigit 700 GrabBikers.

Bukod dito, aniya, malaki rin ang magiging epekto ng nasabing direktiba ng LTFRB sa publiko, na napagkaitan ng mabilis na transportasyon, lalo na kapag rush hour.

Ipinatitigil ng LTFRB ang operasyon ng GrabBike dahil sa kawalan ng prangkisa.

Inaasahang ipadadala ng GrabBike ang nilagdaan nilang petisyon sa tanggapan ng LTFRB bukas.

Nabatid na ang GrabBike ay mistulang taxi na motorsiklo na nakukuha rin ang serbisyo sa pamamagitan ng application sa mga smart phone, na maaari ring magpasundo at magpahatid ang pasahero, at puwede ring magpadala ng mga bagay.

(MAC CABREROS)