ORLANDO, Florida (AP) -- Bawat laro at sa bawat panalo ng Golden State Warriors ay may bagong markang aabangan.
At maging sa krusyal na sandali at pagkakataon na tila imposibleng mangyari, nagagawa ng Warriors na maging posible.
Laban sa Orlando Magic nitong Huwebes (Biyernes sa Manila), naisalpak ni Stephen Curry ang 44-foot 3-pointer sa buzzer para sa dominanteng 130-114 panalo.
“I was laughing, sure. That really isn’t supposed to happen,” pahayag ni Curry, kumana ng kabuuang sampung 3-pointer tungo sa pagposte ng 51 puntos.
Ito ang ikatlong pagkakataon ngayong season na umiskor si Curry ng 50 o higit pa para tanghaling kauna-unahang player sa NBA na nakagawa ng scoring record mula nang maitarak ito nina LeBron James at Dwyane Wade noong 2008-09 season.
Bukod dito, nalagpasan ni Curry ang record ni Kyle Korver na 127 sunod na laro na may iskor na 3-pointer. Napantayan ito ng reigning MVP nitong Miyerkules laban sa Miami Heat kung saan kumana siya ng 43 puntos.
“I don’t know that the record is that significant because it’s so simple for him. His 3-point shot is like a 2-point shot. It’s what he does,” pahayag ni Golden State coach Steve Kerr s. “It’s to the point where we expect a half-court shot. ... It’s a rhythm shot, and it just went in.”
Kasama ang laro sa postseason, nahila ni Curry sa 149 sunod na laro ang marka na may naisalpak na 3-pointer.
Nakopo rin ng Warriors ang 52-5 marka, pinakamabilis sa kasaysayan ng liga sa unang 57 laro. Nakuha ng Chicago Bulls (1995-96) ang best 57-game na may 51 panalo tungo sa makasaysayang 72-10 marka.
CELTS 112, BUCKS 107
Sa Boston, hataw si Isaiah Thomas sa iskor na 27 puntos, tampok ang walo sa krusyal na sandal ng fourth quarter, para gapiin ang Milwaukee Bucks.
Nag-ambag si Joe Crowder ng 20 puntos at walong rebound, habang kumubra si Avery Bradley ng 18 puntos.
PELICANS 123, THUNDER 119
Sa New Orleans, naungusan ng Pelicans, sa pangunguna ni Anthony Davis na kumana ng 30 puntos at 4 na block, ang Oklahoma Thunder.
Kumubra si Ryan Anderson ng 26 na puntos, habang humugot si Jrue Holiday ng 22 puntos at may natipang 12 puntos si backup point guard Toney Douglas.
Nanguna si Russell Westbrook sa Thunder sa iskor na 44 puntos at tumipa si Kevin Durant ng 32 puntos.