NANG sumabog ang Mt. Pinatubo noong 1991 na naging dahilan ng malawakang pinsala sa Zambales at Pampanga, mangilan-ngilan ang nagsabing ito ay ganti ng Panginoon sa dalawang “sin cities” na matatagpuan sa mga nasabing probinsiya.

Ang trahedya ay maaaring maikumpara sa gospel ngayong ikatlong Linggo ng Kuwaresma. Ang isa ay tungkol sa walang-awang pagpatay ng ilang Galilean habang inihahandog nila ang kanilang temple sacrifices.

Habang ang isa naman ay tungkol sa construction accident kung saan namatay ang 18 inosenteng tao dahil sa pagguho ng tower sa Siloam (Lk 13,1).

Katulad ng mga tao sa gospel, maiisip natin na ang mga biktima ng kalamidad ay pinarurusahan sa kanilang kasalanan o “karma” o “gaba” sa Cebuano.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ngunit pinaaalalahanan tayo ni Hesus na huwag manghusga sa mga taong makasalanan. Walang nakakaalam sa tunay na nararamdaman ng isang tao kundi ang Diyos lamang.

Sa halip na husgahan ang mga biktima, kailangan nating matuto sa kanilang pinagdaanan na nagpapaalala rin sa atin, na tayo rin, ay maparurusahan maliban na lamang kung tayo ay magsisisi at magbabago.

“You will all come to the same end unless you turn away from your sins,“ sabi ni Hesus.

Ang paalala ni Hesus ay sinundan ng isang parabola tungkol sa isang Puno ng Igos. Karaniwang aabot ng hanggang tatlong taon bago lumago at mamunga. Kung ito ay hindi mamunga, tuluyan na itong hindi mamumunga kaya’t nararapat lamang na putulin na.

Ngunit pinagbigyan ang puno at pinalipas muli ang tatlong taon upang mamunga.

Ipinapakita lamang sa kuwento ang mensahe na ang Panginoon ay matiyagang naghihintay sa atin na magbago bilang mabuting tao. Maraming pagkakataon ang ibinibigay niya sa atin para baguhin ang ating mga pagkakamali.

Panahon ngayon ng Kuwaresma at binibigyan tayo ng Diyos ng pagkakataon na pagsisihan ang ating mga kasalanan.

Maaaring napapadalas ang ating paninigarilyo, maaaring nag-uukol tayo ng sobrang oras sa mga bagay kung saan nakalilimutan na natin an gating trabaho at pamilya, o kaya’y pinupuna ang pagkakamali ng iba ngunit hindi natin napapansin ang sarili nating pagkakamali.

Sa halip na pagtakpan ang ating mga pagkakamali, harapin natin ang katotohanan sa ating sarili at gumawa ng paraan para magbago—bago mahuli ang lahat. (Fr. Bel San Luis, SVD)