Sa paggunita ng bansa sa ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power ngayong araw, hinimok ng leader ng oposisyon sa Kamara ang mga botante na ihalal ang isang pangulo na may “heart for true reconciliation”.

Ayon kay Leyte Rep. Martin Romualdez, dapat na bigyan ng pantay na pagkakataon ang oposisyon at ang mga grupong rebelde upang makibahagi sa mga usapin ng estado para tuluyan nang matuldukan ang lahat ng hindi pagkakasunud at maghilom ang mga sugat na likha ng nakalipas.

“Hindi tayo kulay dilaw, asul, orange, o pula, dahil sa huli, lahat tayo ay Pilipino na dapat na magkaisa bilang iisang lahi laban sa korupsiyon, kriminalidad, kahirapan, at iba pang seryosong problema na nakaaapekto sa ating bansa,” aniya.

“Kailangan ng bansa ang isang presidente who has a big heart for true reconciliation at may malasakit upang agad na matugunan ang mga problema ng mahihirap,” sabi ng pangulo ng Philippine Constitution Association.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Kandidato sa pagkasenador, sinabi ng kongresista na kailangang magkasundo ang lahat upang maging maayos ang bansa, partikular sa larangan ng pulitika.

“Ang tunay na demokrasya ay tungkol sa pagkakasundo ng lahat para magsikap sa ikabubuti ng mamamayan, nang walang bahid ng anumang galit,” dagdag niya.

Mahalaga, aniya, na ang maging susunod na pangulo ng bansa, gayundin ang mga ihahalal at itatalagang opisyal ng gobyerno, ay nakatuon sa kapakanan ng publiko, at hindi sa sariling kapakinabangan. (CHARISSA M. LUCI)