NAGING matagumpay ang paglikha ng provincial government ng Bataan, sa pamumuno ni Gov. Albert Garcia, sa Metro Bataan Development Authority (MBDA). Sa pamamagitan ng Bataan Command Center na nasa ilalim ng MBDA ay nakapagsagawa na ito ng mga tungkuling nagdulot ng malaking tulong sa kabuuan ng naturang lalawigan. At ito ay dahil sa pagsisikap at maayos na pamamahala ng dating alkalde na si Pilar Charlie Pizarro na kasalukuyang tagapamuno ng bagong likhang ahensiya.
Sinabi ni Pizarro na dahil sa maayos na performance at kahusayan ng mga tauhan ng MBDA sa pagtupad ng kanilang tungkulin ay marami na ang naresolbang kaso. At ito ay dahil sa mga ikinabit na closed circuit television (CCTV).
Ipinangako pa ni Gov. Abet Garcia, sa pamamagitan ni Pizarro, na lalong mapatutunayan ang bisa ng Bataan Command Center ng MBDA sa mga panahon ng kalamidad. Maiiwasan ang mga problema sapagkat mapabibilis na ang komunikasyon tuwing may bagyo. Sa panahon ng mga kalamidad partikular, ang Bataan Command Center mismo ang tatawag sa mga barangay official para ipaalam ang nakaambang kalamidad.
Ang Bataan Command Center din ang makikipag-ugnayan sa weather station upang ipaalam sa bawat bahagi ng lalawigan ang banta at kung wala o merong klase ang mga estudyante sanhi ng masamang panahon. Ipinagmalaki pa ng butihing gobernador na marami na ring investors ang nagtutungo sa Bataan Command Center sa Orani, at doon ay ipinakita at ipinaalam sa mga bisita kung paanong nag-o-operate ang center at kung paano nito nagagampanan ang mahahalagang aspeto ng makabagong komunikasyon at ang papel nito sa panahon ng kalamidad.
Binigyang-diin nina Gov. Garcia at Pizarro na ito ang pangunahing alalahanin ng mga negosyante na gusto at nagbabalak na mamuhunan sa Bataan.
Ang Bataan ang isa, kung hindi man nangungunang lalawigan, sa mga bansa pagdating na sa kapayapaan at makabagong pasilidad na itinatag ng pamahalaang Garcia. At sa pamamagitan ng Bataan Command Center ng MBDA ay hindi nakapagtataka kung dumating ang araw na ang probinsiyang ito ang tanghaling paraiso ng mga mamamayan at mga mamumuhunan. (ROD SALANDANAN)