Nagbuga ng makapal na abo ang Mt. Bulusan sa Sorsogon, matapos ang serye ng mahihinang pagputok nito simula noong nakaraang taon.
Sa report ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong 5:00 ng hapon nitong Lunes nang magpakawala ng abo ang bulkan na aabot sa 500 metro ang taas mula sa crater nito.
Paliwanag ni Ed Laguerta, resident volcanologist, ang nasabing makapal na abo ay ipinadpad sa kanlurang bahagi ng bulkan at nakaapekto sa mga barangay ng Puting Sapa at Sangkayon sa Juban, at Barangays Cogon at Bulos sa Irosin, Albay.
Ayon kay Laguerta, bago ang ash explosion ay naitala muna ng ahensiya ang dalawang magkasunod na pagputok na sinundan ng magkakasunod na pagyanig na tumagal ng apat na minuto.
Posible aniyang nagkaroon ng steam pressurization sa ilalim ng bulkan, na nagresulta sa tinatawag na “phreatic explosion”.
Dahil dito, ipinaiiral pa rin ng Phivolcs ang alert level 1 sa palibot ng bulkan at pinapayuhan ang residente na huwag lumapit o pumasok sa four-kilometer Permanent Danger Zone.
“Civil aviation authorities were also notified to advise pilots to avoid flying close to the volcano’s summit as ash from any sudden phreatic eruption can be hazardous to aircraft,” babala pa ng Phivolcs. (ROMMEL P. TABBAD)