Magpapatupad ng big-time oil price hike ang mga kumpanya ng langis sa bansa, sa pangunguna ng Pilipinas Shell, ngayong Martes ng umaga.

Ayon sa Shell, epektibo dakong 6:00 ng umaga ngayong Pebrero 23 ay magdadagdag ito ng P1.30 sa presyo ng kada litro ng diesel at kerosene, habang P0.95 naman ang itataas sa presyo ng gasolina nito.

Magpapatupad din ng kaparehong taas-presyo ang Phoenix Petroleum Philippines sa diesel at gasolina, habang hindi naman gumalaw ang presyo ng kerosene.

Asahan na rin ang pagsunod ng iba pang kumpanya ng langis sa kahalintulad na oil price hike, kahit hindi pa naglalabas ng abiso ang mga ito.

National

27 volcanic earthquakes, naitala mula sa Bulkang Kanlaon

Ang bagong dagdag-presyo sa petrolyo ay bunsod ng paggalaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Samantala, batay sa datos ng Department of Energy (DoE),ang bentahan sa kada litro ng diesel ay naglalaro sa P18.15 hanggang P21.55, habang P29.90-P37.70 naman sa gasolina.

Pebrero 9 huling nagtaas ang oil companies ng P1.05 sa kerosene,P0.95 sa diesel, habang tinapyasan naman ng 70 sentimos ang gasolina. (Bella Gamotea)