Binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagbatid at pag-unawa sa kasaysayan sa likod ng 1986 People Power Revolution, hinimok ng Malacañang ang kabataang Pilipino—na paslit pa lang o hindi pa isinisilang nang panahong sumiklab ang protesta sa EDSA noong 1986—na bisitahin ang People Power experiential museum sa parade grounds ng Camp Aguinaldo upang matuto sa kalupitan at karahasang dinanas ng bansa noong Martial Law.

Ito ang naging panawagan ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma, Jr. kaugnay ng pagdiriwang ng bansa ng ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Huwebes, na nagpatalsik sa diktaduryang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ayon kay Coloma, tampok sa People Power experiential museum ang kombinasyon ng teatro, pelikula, photography, pagtatanghal, installations, at iba pang sining upang maisadula ang mga karanasan noong Batas Militar, gayundin ang matapang na pakikibaka ng mga Pilipino upang mapakilos ang masa para makiisa sa payapang rebolusyon.

Aniya, papasukin ng mga panauhin ang iba’t ibang hall ng museo, kabilang ang Hall of Deadly Sleep, Hall of False Dreams, Hall of Forgotten Martyrs, at Hall of Awakening, para maunawaan ang iba’t ibang karanasan noong Martial Law, at kalaunan ay ang pagtatagumpay ng EDSA People Power Revolution.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Each phase is guided by an actor who assumes the role or character, either imagined or based on history, and takes the audience through the experience that represents the specific site,” sinabi ni Coloma sa isang panayam ng radyo.

Ang People Power experiential museum ay bubuksan sa Huwebes at Biyernes, Pebrero 25-26, simula 8:00 ng umaga hanggang hatinggabi. (Roy C. Mabasa)