NAKAUGALIAN na nating mga Pilipino na ipagdiwang ang kapistahan upang bigyang-buhay ang mga namanang tradisyon at panahon na rin ng pasasalamat sa Poong Maykapal sa patnubay ng kani-kanilang patron saint. Isa na rito ang Taytay, Rizal na kinikilalang “Garment Capital” ng Pilipinas. Kanilang ipinagdiriwang ang kapistahan at araw ng pasasalamat tuwing sasapit ang ikatlong Linggo ng Pebrero. Ang kanilang patron saint ay si San Juan Bautista.
Ayon kay Mayor Janet de Leon Mercado na mangunguna sa pagdiriwang kasama ang Sangguniang Bayan, ang lokal na pamahalaan ay may inihandang iba’t ibang aktibidad para sa kapistahan. Ang pagdiriwang ay nagsimula nitong Pebrero 6 sa Kalayaan Park kung saan isinagawa ang pagpaparangal sa napiling “Hari at Reyna ng HAMAKA” (HAmba, MAkina at KAsuotan), bible quizz, praise & worship, parangal sa “Munting Mutya at Ginoo ng Taytay”, “Mr. and Mrs. Taytay”, “Mr. & Ms Teen”, at ang “Gabi ng DepEd”.
Naging bahagi rin ng pagdriwang ang parangal sa napiling “Ginoong Karpintero at Bb. Mananahi”, ang “PWDs (Persons with Disabilities) Got Talent”, at ang “Hamaka Sayawan”.
Makikiisa sa parada ang 30 karosa ng iba’t ibang business establishment sa Taytay at 20 karosa naman ng lokal na pamahalaan. Ang grand parade ay magsisimula sa ganap na 1:00 ng hapon sa P. Ocampo, Barangay San Isidro. Kasunod nito ang isang Serenata na katatampukan ng Banda Uno at Banda Dos ng Taytay. Paborito itong panoorin ng mga taga-Taytay at maging sa karatig bayan na mahilig makinig ng mga piling tugtugin na kinatha ng mga kilalang composer sa Pilipinas at sa ibang bansa.
Ngayong Pebrero 21 ang araw ng kapistahan. Magdaraos ng misa sa parokya ni San Juan Bautista. Susundan ito ng Food Festival kung saan magluluto ang mga chef mula sa limang barngay ng Taytay.
Ang Taytay, ayon sa kasaysayan, ay isang matandang pamayanan na itinatag noong 1571 nang gawing Kristiyano ni Father Alonzo de Alvarado, ng Villalobos expedition, ang mga katutubo. Ito ay naging isang bayan noong 1675.
(CLEMEN BAUTISTA)