Isang 52-anyos na kasambahay ang natagpuang patay sa loob ng isang condominium unit sa Quezon City, nitong Miyerkules ng umaga.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktimang si Nenita Conde, biyuda at stay-in housemaid sa isang unit sa Capitol Towers sa may E. Rodriguez Sr. Avenue sa Barangay Kalusugan, Quezon City.

Ayon sa imbestigasyon, naghahanda na ang amo ng biktima na si Melchor Simion sa pagtungo sa eskuwelahan nang makita niyang nakahandusay si Conde sa sahig ng condo unit.

Agad na humingi ng tulong si Simion sa mga security guard at empleyado ng gusali, na tumawag ng ambulansiya at isinugod ang biktima sa kalapit na St. Luke’s Medical Center.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Tinangka pa umano ng isang rescue team na sagipin si Conde sa pamamagitan ng cardiac pulmonary resuscitation, subalit bigo ang mga ito.

Lumitaw sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operations (SOCO) na walang sugat ang biktima sa katawan nito. (Vanne Elaine P. Terrazola)