Hindi sukat akalain ng apat na lalaki na ang kanilang pag-iingay habang nagsusugal ang maglalagay sa kanila sa balag ng alanganin matapos silang ireklamo ng mga residente sa awtoridad, dahilan ng pagkakadiskubre sa bitbit nilang baril at droga sa Parañaque City nitong Martes ng gabi.

Kinilala ni Parañaque City Police chief Senior Supt. Ariel Andrade ang mga suspek na sina Macoy Rodriguez, 21; Abdul Sadam Amirol, 33; Jalil Disumimba, 29; at Lemuel Bayta, 29, mga residente ng Bagong Pag-asa St., Baclaran ng nasabing lungsod.

Nakumpiska sa suspek na si Rodriguez ang isang sachet na naglalaman ng shabu at isang kalibre .22 matapos siyang kapkapan ng mga pulis.

Dakong 9:00 ng gabi ay nakatanggap umano ang awtoridad ng reklamo sa ilang residente kaugnay sa labis na pag-iingay ng apat na suspek habang nagsusugal.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Mabilis na rumesponde sina Police Officer 1 Jon-jon Averion, Patrick Ryan Gargalio, Delfin Budong, at Brigidor Agnawa ng Police Community Precinct (PCP-1) at naabutan ang mga suspek na maingay sa nagsusugal sa naturang lugar.

(Bella Gamotea)