Sa kabila ng kaliwa’t kanang alegasyon at pangungutya sa social media, hindi pa rin natinag si Vice President Jejomar Binay at napanatili ang pagiging “Number One” sa huling survey sa mga presidentiable ng Social Weather Station (SWS).

Ayon kay Atty. Rico Quicho, tagapagsalita ni Binay sa usaping pulitikal, ito ay patunay na buo pa rin ang hanay ng “core supporters” ng standard bearer ng United Nationalist Alliance (UNA), at posibleng ang mga ito ang susi sa pagkapanalo ng kanilang pambato sa eleksiyon sa Mayo 9.

Mula 31 porsiyento noong Enero, lumitaw sa survey ng SWS nitong Pebrero 5-7 na bumaba ang vote preference rating ni Binay sa 29 porsiyento.

“Bumaba pero number one pa rin,” komento ni Quicho sa resulta ng survey.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Angat ng limang porsiyento si Binay kina Davao City Mayor Rodrigo Duterte, PDP-laban standard bearer; at independent candidate Sen. Grace Poe, na nagpukpukan sa ikalawang puwesto matapos na kapwa makakuha ng 24 na porsiyento.

“The recent SWS survey results confirm that the core support of the Vice President is solid and steadily growing,” dagdag ni Quicho.

Halos hindi gumalaw ang percentage standing ni Poe habang tumaas ng apat na puntos si Duterte kumpara sa 20 porsiyento na nakuha niya nitong Enero.

Samantala, umani ng 18 porsiyento si Liberal Party standard bearer Mar Roxas, na natapyasan ng tatlong porsiyento kumpara sa 21 porsiyento nitong Enero.

Kulelat naman si Sen. Miriam Defensor-Santiago, na nakakuha ng apat na porsiyento.

(ELLSON A. QUISMORIO at ELLALYN B. DE VERA)