Nawalan ng tirahan ang halos 500 pamilya matapos matupok ng apoy ang 300 barung-barong sa Taguig City, nitong Biyernes ng gabi.
Ayon sa ulat ng Taguig Fire Department, dakong 11:00 ng gabi nang nagsimula ang sunog sa loob ng bahay ng isang Larry Mendoza sa Sitio ATO Side, Zone 7B, Barangay West Bicutan.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light material at umabot sa ikalimang alarma ang sunog.
Naapula ang sunog dakong 1:08 ng madaling araw kahapon, at tinaya sa mahigit P200,000 halaga ng ari-arian ang natupok sa insidente.
Sinasabing naputulan ng kuryente ang pamilya Mendoza nang mangyari ang sunog.
Patuloy na sinisiyasat ng awtoridad ang sanhi ng sunog at walang napaulat na nasaktan sa insidente. Samantala pinangangambahan ngayon ng mga apektadong pamilya ang tuluyang pagpapaalis sa kanila sa lugar, dahil matagal nang binabawi sa kanila ang nasabing malaking lupain. (Bella Gamotea)