LOS ANGELES (AFP) – Dinala sa ospital ang soft rock star na si Barry Manilow nitong Huwebes, kaya napilitan siyang kanselahin ang kanyang mga nakatakdang show.
Isinugod ang 72-taong gulang na singer, na naging sold-out ang show sa Memphis kamakailan, sa Los Angeles hospital “due to complications from emergency oral surgery” na kanyang pinagdaanan noong unang bahagi ng linggo, ayon sa pahayag ng kanyang management team.
Pansamantalang kinansela ni Manilow ang kanyang show sa Huwebes at Biyernes, at sinabi ng kanyang manager na sa ibang araw na lang ito itatanghal.
Naging matagumpay ang New York-born singer-songwriter bilang isang soft rock singer noong 1970s, at nagpasikat ng mga awiting Copacabana, Mandy, I Write the Songs, Somewhere Down the Road, Old Songs, at maraming iba pa.
Dumanas ng iba’t ibang karamdaman sa nakalipas na mga taon, sinabi ni Manilow na ang nakatakda niyang tour ay huli na niya. Inaasahang matatapos ang kanyang tour sa Hunyo 23, sa O2 Arena sa London.