Ginamit ng kambal na sina Nieza at Janice Viray ng San Beda College ang mahabang panahong tambalan para maitala ang malaking upset sa torneo nang kanilang gapiin ang defending women’s champion San Sebastian College nina Grethcel Soltones at Dangie Encarnacion, 19-21, 22-20, 15-13 sa pagpapatuloy ng aksiyon ng NCAA Season 91 beach volleyball tournament sa Boardwalk sa loob ng Subic, Zambales.

Nakatulong sa kambal na tubong Pangsinan at beterano ng Petron Beach Volleyball tournaments ang kanilang matagal nang paglalaro na magkasama kontra sa bago pa lamang magkaparehang sina Soltones at Encarnacion.

Dahil dito, nakamit ng Red Lionesses ang maagang liderato kasalo ng College of St. Benilde na kinakatawan nina Jannine Navarro at Melanie Torres na naitala naman ang ikalawang sunod na panalo makaraang gapiin ang Mapua pair nina Juliane Cubilla at Nicole Frando.

Bumaba ang Lady Stags sa patas na barahang 1-1, kapantay ng Emilio Aguinaldo College, University of Perpetual Help, Lyceum of the Philippines at Jose Rizal University.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Matapos matalo sa Lady Stags sa una nilang laro, bumawi ang Lady Bombers duo nina Rosalie Pepito at Maria Shola Alvarez kontra Lady Generals tandem nina Jaylene Lumbo at Joyce Reyes, 21-15, 18-21, 15-9. (MARIVIC AWITAN)